Rabiya, Megan aprub sa pagsali ng mga may asawa, anak at transgender sa Miss Universe PH: ‘This change is a powerful message’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Megan Young at Rabiya Mateo
APRUBADO sa dalawang Kapuso actress na sina Megan Young at Rabiya Mateo ang pagbubukas ng Miss Universe Philippines Organization sa pagsali ng mga may asawa, may anak at mga transgender woman sa naturang pageant.
Parehong positibo ang pananaw ng mga Pinay beauty queen sa naging desisyon ng mga taong nagpapatakbo sa Miss Universe Philippines na mas palawigin at palawakin ang kanilang pageant.
“Alam n’yo po, yung Miss Universe Organization, they’re all after inclusivity. Kasi yung tanong pag nagkaanak ka na ba, stop na ba yung pagiging matatag mong babae?
“Ngayon, they want to include everybody, and I know maraming magtataas ng kilay because iba yung nakasanayan nila. Iba yung nakasanayan natin,” ang pahayag ni Rabiya (Miss Universe Philippines 2020) nang makachikahan namin siya sa presscon ng “Royal Blood” kamakailan.
Katwiran pa ng girlfriend ng Kapuso hunk na si Jeric Gonzales, “Pero change is good, and this change is a powerful message.
“So ako, personally, I’m all for it kasi hindi naman ibig sabihin na kapag nanay ka, ikaw agad yung panalo. Still, you have to compete.
“And yung mga nanay natin, transwomen, you know, married women, they have a powerful story to share, and ganun po yung essence of beauty pageants, to be transformative,” esplika pa ni Rabiya.
Samantala, sa presscon din ng “Royal Blood” naitanong kay Miss World 2013 Megan Young ang tungkol sa pagpapahintulot sa mga may asawa, may anak, at transgender na sumali sa Miss Universe Philippines.
Bago makasagot si Megan sa tanong, humirit muna ang asawa niyang si Mikael Daez (kasama rin sa Royal Blood) ng “Ay, sasali siya ulit sa Miss World, puwede na! 2024 sasali daw siya ulit para double crown na raw siya.”
Reaksyon naman ni Megan, “Ako, I’m all for it! I embrace, you know, the new changes, it’s a changing world din naman, so I’m excited for the future in pageantry.
“Kasi it’s not always gonna be the same. The pageants, like Miss World and Miss Universe back in the day are completely different from how they are today.
“Yung nire-represent nila dati iba na rin ngayon. So I’m excited to see where pageantry will also be in the next twenty years,” pagbabahagi ng aktres.