Judy Ann nag-sorry kay Mommy Carol: ‘I was not the best daughter, I think wala namang anak na perfect at the best’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Carol Santos at Judy Ann Santos
HINDI napigilan ng Soap Opera Queen na si Judy Ann Santos ang maiyak nang mapag-usapan ang pinakamamahal niyang ina na si Mommy Carol Santos.
Naging emosyonal si Juday sa isang bahagi ng panayam sa kanya ng “Fast Talk with Boy Abunda” sa GMA 7 nitong nagdaang Martes lalo na nang mapunta ang kanilang usapan sa kanyang ina.
Tanong ni Tito Boy kay Juday, paano at kanino siya magpapasalamat at hihingi ng sorry kung bibigyan siya ng pagkakataon na gawin ito ngayon.
Sagot ng Kapamilya actress at TV host, nais niyang pasalamatan at bigyan ng nararapat na pagkilala si Mommy Carol sa pagmamahal na ibinigay sa kanilang pamilya pati na sa lahat ng pagsasakripisyo nito.
Inalala pa ng wifey ni Ryan Agoncillo ang isang eksena sa kanilang buhay, “Naintindihan niya na when I told her, ‘Ma hindi na ako magka-college. Gusto ko na ‘tong idiretso, magtatrabaho ako.’
“Of course broken hearted siya. Kasi lahat naman ng pangarap ng mga magulang sa mga anak nila makapagtapos eh,” pagbabahagi ng premyadong aktres.
In fairness, nirespeto naman daw ni Mommy Carol ang naging desisyon niya at sinuportahan talaga siya nang bonggang-bongga.
Pagpapatuloy pa niya ni Judy Ann, “Magso-sorry ako kay mom kasi I know I was not the best daughter. I think wala naman, ‘di ba, wala namang anak na perfect at the best.
“But I know I have to spend more time with her. Kasi life is just too short, and I love you,” ang mensahe ni Juday sa kanyang nanay.
Dugtong pa niya, “I’m sorry I don’t say it often and we don’t see each other often but I’m so grateful and I appreciate you.”
Sa isang panayam, nabanggit din ni Juday na lahat ng natutunan niya kay Mommy Carol sa pagpapalaki sa kanya at sa kanyang kapatid na si Jeffrey Santos bilang ina ay ina-apply niya ngayon sa mga anak nila ni Ryan.
Biniyayaan ng Diyos ang celebrity couple ng tatlong anak, sina Yohan, Lucho, at Luna.
Sa nasabi ring interview sinagot ni Juday ang tanong ni Tito Boy na, “Nagrebelde ka?”
“Yes. Para sa sarili ko, sa pagkakataong ito, pwede kong sabihing yung pagsimula ko nung teenage years ko na umiinom ako, lumalabas ako at naglalasing ako, I think yun yung rebellious point ko, na talagang, pakawala ako.
“At that time lang, walang social media, walang pruweba, walang ebidensya. Pero hindi ako nagwawala sa hindi ko bahay, o hindi pribadong lugar.
“Hangga’t maaari, hindi talaga ko pupunta sa isang inuman na masama ang loob ko na alam ko ang gusto ko gawing ngayong gabi e magwala,” paliwanag niya.
“Ina-allow ko yung sarili ko na kailangan kong pakawalan ‘tong galit na ‘to, kailangang pakawalan ‘tong frustration na ‘to.
“Kasi otherwise may maapektuhan na akong tao, may maapektuhan na akong trabaho. And they don’t deserve na maapektuhan kung anuman ang pinagdaraanan ko,” pagpapakatotoo pa ng aktres.