Rabiya Mateo sa pagiging leading lady ni Dingdong Dantes sa ‘Royal Blood’: ‘Mabigat po siyang responsibility’

Rabiya Mateo sa pagiging leading lady ni Dingdong Dantes sa 'Royal Blood': 'Mabigat po siyang responsibility'

Rabiya Mateo at Dingdong Dantes

MATINDING pressure ang naramdaman ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo nang unang sumabak siya sa shooting ng kauna-unahan niyang primetime teleserye sa GMA.

Aminado ang Kapuso actress at TV host na until now ay hindi pa rin siya makapaniwala na nakasama siya sa powerhouse cast ng “Royal Blood” na pinagbibidahan ng Primetime King na si Dingdong Dantes.

Feeling blessed and thankful daw ang dalaga na ipinagkatiwala sa kanya ng mga bossing ng GMA ang isang napakagandang role at kasama pa ang naglalakihang artista sa showbiz industry.


Sa kuwento ng naturang crime-suspense-drama, gaganap si Rabiya bilang si Tasha, ang kapitbahay na may crush kay Napoy (Dingdong) at BFF ng karakter ng namatay na asawa ni Napoy.

“Grabe po siguro ‘yung pressure kasi ako po ‘yung pinakabago rito. And nagpapasalamat po ako sa production and everybody because they allow me to become a beginner.

“They allow me to make a mistake and ‘yung feedback na ‘yun that pushes me to really be better,” pahayag ni Rabiya sa grand mediacon ng “Royal Blood” last Friday, June 9.

Aminado rin ang beauty queen turned actress na isang napakalaking achievement para sa kanya na makatrabaho si Dingdong.

Baka Bet Mo: Angel: Basta ang alam ko ang mga Muslim ayaw ng violence, ayaw nilang nakakasakit ng kapwa

“Mabigat po siyang responsibility kasi siya po ang ating Primetime King. Pero, every day I remind myself na somebody saw a potential in me at hindi ko pwedeng gawing rason na baguhan ako for me not to deliver.

“Kaya nagpapasalamat po talaga ako sa lahat ng naniwala sa akin. Thank you Kuya Dong for helping me.

“May mga eksena akong nahihirapan ako at sinasabi ko po sa inyo at nandu’n po kayo para i-guide ako kaya salamat po talaga,” ang mensahe ni Rabiya kay Dong.


Nag-react naman si Dingdong sa magagandang sinabi ni Rabiya about him, “Lahat tayo may kanya-kanyang proseso as artists, as actors, and ‘yun nga nabanggit ni Direk (Dominic Zapata) kung makita mo lang how magical that experience is seeing actors in their process, grabe ibang klase.

“Kasi ‘yung mga nakikita natin sa TV ‘yun na ‘yung finish products sa totoo lang. Pero ‘yung nangyayari behind the camera, iyon ‘yung kakaiba. And lahat tayo may kanya-kanya,” sey pa ng husband ni Marian Rivera.

“So I think napakaganda na nagkakasundo kaming lahat, na good vibes sa set namin, sobrang daming pwedeng pagkwentuhan kapag nagsama-sama kami, at kapag trabaho, trabaho lang talaga.

“Automatic na ‘yan kasi kapag kaeksena mo sino man, you have to be there for each other dahil mayroon at mayroon kasing isang important trait kapag gumagawa ka ng eksena that is trust.

“Kailangan may tiwala ka sa kaeksena mo at kailangan may tiwala sa ‘yo ‘yung kaeksena mo para mabuo kung ano man ‘yung gusto n’yong ikuwento,” chika pa ni Dingdong.

In fairness, trailer pa lang ng “Royal Blood” ay nakaka-tense at nakaka-excite na ang mga eksena kaya naman abangers na ang lahat sa pagsisimula ng serye ngayong June 19, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.

Dingdong sa mga babaeng contestant na ‘lumalandi’ sa kanya sa Family Feud: ‘Hindi ko naman napapansin, basta ang gusto ko manalo sila’

Robin nagbigay ng update sa health condition: Pinag-stress test ako at may nakita sila…

Read more...