Allan K, Ryan Agoncillo nagsalita na sa akusasyong hindi pinapapasok sa dressing room ng Dabarkads ang mga Jalosjos
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Paolo Ballesteros, Allan K, Beauty Gonzalez at Ryan Agoncillo
SUPER deny ang mga original Dabarkads na sina Allan K at Ryan Agoncillo sa chikang hindi raw pinapayagang makapasok ang mga executives ng TAPE Incorporated sa dressing room ng mga “Eat Bulaga” host.
Mariing itinanggi nina Allan at Ryan ang lumabas na balitang wala raw respeto ang mga “Eat Bulaga” hosts at ilang production staff sa mga bossing ng TAPE.
Ayon kina Allan K at Ryan, wala silang maisip na dahilan o pinanggalingan ng mga pinagsasabi ng mga may-ari ng TAPE na siyang producer ng “Eat Bulaga.”
Sa panayam ng entertainment reporter na si MJ Marfori sa OnePh, nagsalita na nga sina Allan K at Ryan Agoncillo tungkol sa isyu.
Sey Allan, “Paano bang hindi pinapapasok? Hindi ko maintindihan. E, they are free naman to pasok, labas-pasok, sa dressing room namin.
“Maybe that instance na naka-lock. Siguro yun yung nagpe-pray kami or, I don’t know. I have no idea kung kailan nangyari yun na hindi pinapapasok,” dagdag pa ng TV host-comedian.
Paglilinaw naman ni Ryan, “Ang totoo po kasi niyan, kapag dumarating ako sa Eat Bulaga, ang una ko talagang hinahanap, ito (Allan K). Totoo ito, nag-aalmusal kami ni Allan. Sabay kami hangga’t maaari.
Hirit naman ni Allan, “Kapag may naunang nag-almusal, nag-aaway pa kami.” Singit ni Ryan, “May ganu’n!?”
Pagpapatuloy ni Ryan, “Hindi ako maka-comment sa hindi pinapapasok dahil as far as I’m concerned, as far as the Dabarkads are concerned, ano kami, e, communal nga yung dressing room namin, actually.
“So, I have no idea about who’s getting locked out or not. But as far as I know, lagusan ang aming makeup room,” dagdag pa niya.
“Jobless” daw sa ngayon ang mga Dabarkads na nag-resign sa TAPE kasabay ng pamamaalam nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon, kabilang na nga riyan sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Maine Mendoza at Ryzza Mae Dizon.
Ngunit looking forward naman daw sila sa magiging programa nila sa TV5 na ipo-produce ng MediaQuest.
“But we’re looking forward to a better future na naghihintay sa amin diyan sa TV5,” ani Allan K.
Sinabi rin ng komedyante na naka-move on na ang Dabarkads sa pag-alis nila sa TAPE at wish nila na makapagsimula na agad sa bago nilang show sa TV5 para tuloy-tuloy pa rin ang paghahatid nila ng isang libo’t isang tuwa sa sambayanang Filipino.