Mainit pa ring pinag-uusapan ang isyu kung may karapatan ba talaga ang TVJ na gamitin ang “Eat Bulaga” sa paglipat nila sa TV5 sa kabila ng naging pahayag ng TAPE Incorporated na sila ang nagmamay-ari ng nasabing titulo.
Ayon kay Tito Sen, ipaglalaban nila ang “Eat Bulaga” dahil naniniwala silang ang TVJ ang may karapatang gumamit nito dahil si Joey talaga ang nakaisip ng nasabing titulo.
Hindi pa alam kung “Eat Bulaga” pa rin ang magiging title ng programa ng TVJ at ng iba pang original Dabarkads sa paglipat nila sa Kapatid Network dahil nga inaangkin ito ng pamilya Jalosjos na siyang nagmamay-ari ng TAPE.
Sa gitna ng isyu kung sino talaga ang may karapatang gumamit ng “Eat Bulaga”, may hugot na ibinahagi si Joey sa kanyang Instagram account.
Ayon kay Boss Joey, hindi raw niya in-expect na darating ang araw na pag-aawayan, pag-aagawan at magkakaroon ng issue sa paggamit ng “Eat Bulaga.”
“Noong maisip, binuo at imungkahi ko ang pangalang ‘EAT BULAGA!’ para sa aming palabas noong 1979, naramdaman kong kahit ito ang napili at tinanggap ng marami sa namumuno, matagal-tagal ding ninamnam ito hanggang sa tumining…
“Wari bang isang aampunin na may kaibang tunog at kaiba sa paningin,” ang bahagi ng caption ni Joey sa kanyang IG page.
Pagpapatuloy pa ng veteran TV host-comedian, “Tila ba kailangan mong masanay lunukin.
“Aakalain ba n’yong makalipas ang 44 na taon o halos LIMANG DEKADA, ang pangalang ito ay pag-aawayan, pag-aagawan at marami ang nais na umangkin?!” ang sabi pa ni Boss Joey.
Ipinagdiinan ni Tito Sen na ipaglalaban nila ang paggamit ng “Eat Bulaga” sa paglipat nila sa TV5 at handa raw sila sakaling mauwi sa demandahan ang nasabing isyu.
Nauna rito, nag-post din si Joey sa IG ng litrato ng mga Dabarkads na kuha noong May 31 nang magpaalam sila sa TAPE na sinundan din ng pagre-resign ng iba pang Dabarkds.
Ang caption ni Joey sa nasabing post, “DABARKADS—’UNITED BY A GREATER PURPOSE’ GO FOR GOLD! GO FOR OLD!”
Nauna rito, sinabi ni Joey na hindi niya ma-imagine na darating ang araw na magkakaroon ng agawan kung sino ang may karapatan na gumamit sa titulong “Eat Bulaga”.
“Sabi ko nga kina Tito, ‘Ano ba ‘to, kung kailan tayo tumanda do’n tayo pinag-usapan.’ Kaya sabi ko, ‘Ayos din ‘to. Tayo na ang pinakamagandang halimbawa na may pinagkatandaan,’” ani Joey.
Inamin din ni Joey na siya ang nag-push na lumipat sila sa TV5 na may konek din sa kanyang pananampalataya, “Mukha lang akong salbahe pero relihiyoso akong tao. Dalawa lang ‘yang numerong nakaluhod e, ‘yung 2 at 5.
“Sila lang ‘yung nagdadasal. Yun din ang number of weeks in the year, 52, tapos pag binaliktad mo (25) ‘yun din ang number ni Boss,” ang sabi pa ni Joey na ang tinutukoy ay ang birthday of Jesus Christ.
Sa tanong kung ano ang reaksyon niya sa pagre-resign nila sa TAPE, “Nagulat nga kami e. Well, ang hirap e. Hanggang ngayon naguguluhan nga ako bakit nangyari ‘yon pero sabi nga nu’ng isang kaibigan namin, ‘Rejection is God’s redirection.'”
Halos maiyak naman si Joey nang magbigay ng mensahe para sa lahat ng loyal fans ng “Eat Bulaga”, “Thank you po sa lahat ng kababayan natin, to people like you sa media at lahat lahat na. Salamat. Kayo man mag-44 years, maiiyak din kayo.”