KASABAY ng pagdiriwang ng Pride Month, nagbigay ng opinyon ang TV host-comedienne na si Kaladkaren o Jervi Li sa totoong buhay pagdating sa mga magulang na hindi tanggap ang mga anak na miyembro ng LGBTQIA+ community.
Para kay Kaladkaren, naniniwala siya sa “unconditional love” ng mga magulang para sa kanilang mga anak.
Ang kailangan lang daw ay bigyan ng oras ang mga magulang upang intindihin ang sitwasyon ng anak.
“I think it needs, number one, time. Number two, understanding,” sey ni Kaladkaren sa naging exclusive interview ng BANDERA in collaboration with PREEN.PH.
Paliwanag pa niya, “Kailangan maintindihan nila ‘yung kalagayan ‘nung mga anak nila.”
Baka Bet Mo: EXCLUSIVE: Kaladkaren pangarap maging bold star, superhero; Bet maka-kissing scene sina Enchong, Gerald, Ian
“And you know, desisyon ng magulang kasi ‘yun e at the end of the day,” ani pa ng TV host.
Payo pa ng komedyana sa mga magulang ay dapat matutunan nilang tanggapin at mahalin kung ano man ang mayroon sa kanilang mga anak.
Paliwanag niya, “Kasi hindi napapalitan ang anak e, hindi rin napapalitan ang magulang. Alam mo ‘yun, magkadugtong kayo ng puso at kaluluwa.”
“So I think, kailangan nating maging accepting and kailangan nating tanggapin na hindi lamang, for me ha, hindi lamang straight na babae at straight na lalaki ang pinapanganak sa mundong ito,” sambit pa niya.
Dagdag pa ng award-winning actress, “Kailangan nating maintindihan na iba-ibang klase ang mga tao at hindi kailanman magiging hadlang ang kasarian para sa tagumpay ng isang tao.”
Kwento pa ni Kaladkaren sa amin, “Usually kasi natatakot ang mga magulang na, ‘oh kawawa naman ang anak ko kasi bakla siya o tomboy siya, baka maging kawawa siya in the future or wala siyang patunguhan sa buhay,’ siguro more than anything, kailangan nilang tanggapin ang kasarian ay kasarian lamang.”
“Iba ang pagmamahal sa isang tao at iba ang abilidad ng isang tao para magtagumpay siya sa buhay,” ani pa ng komedyana.
Kung gusto niyo pang kilalanin at alamin ang iba pang kaganapan sa buhay ni Kaladkaren, pwede niyong bisitahin ang Preen.ph upang basahin ang kanyang istorya na may titulong “Reintroducing Kaladkaren, as herself.”
Isa itong special coverage ng Preen.ph na handog ngayong Hunyo kasabay ng pagdiriwang ng Pride Month.
Related Chika: