Miss World Philippines 2022 Gwendolyne Fourniol excited nang sumabak sa India

Miss World Philippines Gwendolyne Fourniol

Miss World Philippines Gwendolyne Fourniol/ARMIN P. ADINA

MAKARAAN ang matagal na pagkakaantala, at may nauna pang tinukoy na ibang lugar na pagdarausan, sinabi ng Miss World Organization (MWO) na matutuloy na sa wakas ang ika-71 kumpetisyon nito, at India ang magiging host.

Excited na ang pambato ng Pilipinas na si Gwendolyne Fourniol, at hindi lamang dahil matatapos na rin ang mahabang paghihintay niya.

“The new venue took me by surprise but it was also one of the tentative countries mentioned before. It actually added to my excitement because I really admire Indian culture and tradition,” sinabi ng French-Filipino model mula Negros Occidental sa isang online interview ng Inquirer.

Baka Bet Mo: Indian model-actress na si Harnaaz Sandhu waging 2021 Miss Universe

Iniulat ng MWO sa social media noong Hunyo 2 na India ang magiging host country ng kumpetisyon para sa 2023, ang ika-71 edisyon. “The decision to award India with this prestigious honor recognizes the nation’s rich cultural heritage, its commitment to promoting diversity, and its passion for empowering women,” sinabi ng organisasyon.


Ibinahagi ni Fourniol na namulat na siya sa kultura ng India habang lumalaki. “Growing up, I was surrounded by Indian friends and Indian food, which I absolutely adore. So I can’t wait to go to India for the first time!” bulalas ng 23-taong-gulang na beauty queen

Huling itinanghal sa India ang Miss World pageant noong 1996, kung saan dinaig ni Irene Skliva mula Greece ang 87 iba pang kalahok sa patimpalak na isinagawa sa Bangalore.

India rin ang nagtala ng pinakamaraming panalo sa naturang pandaigdigang patimpalak, tabla sa Venezuela, na may anim na reyna. Back-to-back pa ang pagsungkit ng korona ng Indian beauties na sina Yukta Mookhey at Priyanka Chopra noong 1999 at 2000.

Naunang hinayag ng MWO na itatanghal ang ika-71 Miss World pageant sa United Arab Emirates nitong Mayo, kung saan isasalin sana ni reigning queen mula Poland na si Karolina Bielawska ang korona sa tagapagmana niya.

Sa pagdalaw naman ni Fourniol kamakailan sa embahada ng Pilipinas sa London, sinabi ng mga opisyal ng embahada na sa Disyembre itatanghal ang patimpalak, sa UAE pa rin.

Nagwagi si Bielawska sa maituturing na kumpetisyon para sa 2021 pa, na nasimulan na noong Disyembre 2021 sa Puerto Rico. Ngunit dahil sa isang COVID-19 outbreak sa loob mismo ng organisasyon, natulak ang MWO na itigil muna ang patimpalak at pauwiin ang mga kandidata. Itinuloy ito noong Marso 2022, sa naturang teritoryo sa Caribbean pa rin.

Dahil walang nangyaring pandaigdgigang kumpetisyon noong 2022, mahigit isang taon nang naghihintay si Fourniol mula nang makoronahan bilang 2022 Miss World Philippines noong Hunyo ng nagdaang taon. “I’m spending the remaining days by really focusing on community work and social events, because it’s really fulfilling for me to give back especially since it’s my birthday on June 11, and it’s a tradition for me to spend my birthday with ERDA (Educational Reseach and Development Assistance Foundation Inc.),” ibinahagi niya.

Matagal na siyang tumutulong sa organisasyon, bago pa man siya sumabak sa pageantry. Sinabi ni Fourniol na ERDA ang nagpaaral sa kaniyang ina, na isinilang sa isang mahirap na pamilya. Dahil din sa suporta ng foundation, nakapagtapos ng pag-aaral ang nanay niya at naiahon ang pamilya mula sa kahirapan.

Tatangkain ni Fourniol na maibigay sa Pilipinas ang ikalawang panalo nito sa Miss World. Si Megan Young pa rin ang natatanging Pilipinang nakasungkit sa “blue crown” nang nagwagi siya noong 2013 sa patimpalak na itinanghal aa Indonesia. Wala pang tinutukoy na petsa at lungsod para sa kumpetisyon ngayong 2023 sa India.

Miss World PH 2022 Gwendolyne Fourniol mas pinili ang Pinas kesa sa France: This is my home and I want to stay here

Read more...