LALO pang lalakas ang bagyong Chedeng sa mga susunod na araw.
Ito ang naging babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa isang press briefing ngayong June 8.
Ayon pa sa weather bureau, malaki ang posibilidad na maging Typhoon ang bagyo.
“Ngayong araw hanggang bukas ay northwest ang general direction po ng bagyong Chedeng at posibleng lumakas pa bilang Typhoon by tomorrow morning,” sey ni Weather Specialist Benison Estareja.
Ngunit ang magandang balita lang ay malayo ito sa kalupaan kaya hindi ito inaasahang magla-landfall.
Paliwanag ng weather specialist, “Kung makikita sa ating satellite animation, hindi directly nakakaapekto itong kabuuan nitong bagyong Chedeng sa malaking bahagi po ng ating bansa.”
Baka Bet Mo: Panahon ng tag-ulan sa bansa opisyal nang idineklara ng PAGASA
Patuloy pa niya, “Base sa latest track ng PAGASA, napakababa ng tiyansa na ito ay tatama sa ating kalupaan or magtataas tayo ng Tropical Cyclone Wind Signals given na hindi naman ito aabot dito sa ating kalupaan.”
Huling namataan ang bagyo 1,090 kilometers Silangan ng Central Luzon.
May taglay itong lakas ng hangin na 95 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 115 kilometers per hour.
Mabagal ang pagkilos nito sa bilis na 10 kilometers per hour papunta sa kanluran.
Sabi pa ng weather bureau, nakatakdang lumabas ang bagyo sa darating na Lunes.
“Base on our latest track po, lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility sa madaling araw ng Lunes,” dagdag ni Estareja.
Bagamat walang masyadong epekto ang bagyo sa ating bansa, pinalalakas naman nito ang Hanging Habagat na nagpapaulan sa maraming lugar.
Sambit ng PAGASA, “Take note po na kahit nakalabas na ito ng PAR, mag-eenhance pa rin ito ng Southwest Monsoon or Habagat sa malaking bahagi ng ating bansa.”
Dahil sa Habagat, asahan ang kalat-kalat na pag-ulan sa Palawan.
May panaka-nakang pag-ulan naman sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa.
Read more: