Pinay na taga-Japan waging Mrs. Tourism Ambassador Universe 2023 sa Malaysia | Bandera

Pinay na taga-Japan waging Mrs. Tourism Ambassador Universe 2023 sa Malaysia

Armin P. Adina - June 06, 2023 - 12:17 PM

Mrs. Tourism Ambassador Universe Marivel Kawajiri sa national competition niya sa Japan noong Pebrero/ARMIN P. ADINA

Mrs. Tourism Ambassador Universe Marivel Kawajiri sa national competition niya sa Japan noong Pebrero/ARMIN P. ADINA

KINORONAHAN bilang 2023 Mrs. Tourism Ambassador Universe ang Pilipinang taga-Japan na si Marivel Kawajiri sa pagtatapos ng ikalimang edisyon ng pandaigdigang patimpalak na itinanghal sa Sabah, Malaysia, noong Hunyo 5.

Japan ang ibinandera ni Kawajiri, na nakatira sa lungsod ng Kagoshima sa timog-kanlurang panig ng bansa. Itinanghal ang coronation show sa Ming Garden Hotel sa Kota Kinabalu, at may limang dibisyon ito—Mrs., Miss, Mister, Princess, at Prince.

Sinundan niya si Aida Patana mula Pilipinas, na sa kasawiang-palad ay hindi nakapunta sa Malaysia upang magkorona ng tagapagmana. Tumulak kasi siya sa India upang samahan ang anak na si Sheila na kinatawan naman ng bansa sa unang edisyon ng Miss Icon World pageant sa Hunyo 8.

Kasama sa Malaysia ng bagong reyna ang national director niyang si Myla Villagonzalo-Tsutaichi, isa pang Pilipinang nakatira sa Japan na kinoronahan bilang Mrs. Tourism Ambassador International noong 2020, sa Malaysia rin, at organizer na ngayon ng Mrs. Tourism Ambassador International Japan pageant.

Mrs. Tourism Ambassador Universe Marivel Kawajiri (kaliwa) at national director niyang si Myla Villagonzalo-Tsutaichi sa national competition sa Japan noong Pebrero /ARMIN P. ADINA

Mrs. Tourism Ambassador Universe Marivel Kawajiri (kaliwa) at national director niyang si Myla Villagonzalo-Tsutaichi sa national competition sa Japan noong Pebrero /ARMIN P. ADINA

Iginawad kay Kawajiri ang tungkuling maging kinatawan ng Japan sa 2023 Mrs. Tourism Ambassador Universe International pageant nang masungkit niya ang pangunahing titulo sa unang edisyon ng Mrs. Tourism Ambassador International Japan competition sa Tokyo nitong Pebrero. Apat na awards ang inuwi niya sa pambansang patimpalak—ang Best in Talent, Best in Filipiniana, Mrs. Humanity, at Myk’s Coffee Ambassador.

Sa kumpetisyon naman sa Malaysia, hinirang din si Kawajiri bilang Mrs. Intellectual, Mrs. Model Culture, at Best in Makeup. Best in Gown at Mrs. Congeniality naman ang kapwa niya kinatawan ng Japan na si Wannie Ono, isang Pilipinang gym trainer sa Tokyo.

Kapwa pinadala ni Tsutaichi sina Kawajiri at Ono sa pandaigdigang patimpalak sa Malaysia na inorganisa ni Baq Arfha, founder ng MMMTAU organization. May 47 kabuuang bilang ng mga kalahok para sa limang dibsiyon ng katatapos na kumpetisyon.

Bago tumulak sa Malaysia para sa 2023 Mrs. Tourism Ambassador Universe International pageant, pumunta muna sina Tsutaichi, Kawajiri, at Ono sa Pilipinas upang magsagawa ng isang outreach program sa nonprofit organization na God’s Angel Little Miracle.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending