Bb. Pilipinas 2023 second runner-up Atasha Reign Parani balak bumalik sa showbiz
BAGO siya hiranging second runner-up sa 2023 Binibining Pilipinas pageant, isa nang host at aktres sa ABS-CBN si Atasha Reign Parani. At makaraang pansamantalang lisanin ang indsutriya upang tutukan ang paglaban sa kumpetisyon, sinabi niyang nais na niyang balikan ang showbiz.
“I really want to go back to showbiz. It was really my first love, like, acting and hosting. I was hosting for Pie channel before the pageant,” sinabi ni Parani sa Inquirer nang makapanayam ng mga kawani ng midya ang mga nagwagi sa Bb. Pilipinas pageant sa Owner’s Circle sa Araneta City sa Quezon City dalawang araw makaraan silang makoronahan.
Bilang pinakabatang kandidata sa gulang na 19 taon, pinagsabay ni Parani ang pag-aaral niya ng Senior High School sa pagsabak sa pageant. May mga pagkakataong pagkatapos ng isang mahabang araw sa Bb. Pilipinas, aasikasuhin pa niya ang pag-aaral pag-uwi niya sa General Trias sa Cavite. Sa biyahe naman sa Dasol, Pangasinan, tiniis niya ang impeksyon sa mata upang tapusin ang assignment habang nagpapahinga na ang mga kapwa niya kandidata upang maghanda para sa maagang paggising kinabukasan.
“I’m a working student. I have been, five years now. So it has really been hard for me during those times because I would have to do school. And then I was also not feeling good. I think our makeup was on, maybe, over 24 hours. Because before going to Dasol we had to do our makeup and hair and everything. It was really hard for me because I also felt dizzy, and we were always under the sun. It was crazy,” ibinahagi niya.
Kapag natapos na niya ang Senior High School, balak kumuha ni Parani ng mass communication sa kolehiyo. “It is very close to my line of work,” aniya. Ngunit maari rin siyang pumili ng digri sa sining, iyong makapagtatanghal siya at mahahasa ang kakayahan niya sa harap ng mga manonood. “I’m an all-around performer which I have been working on so many years now,” ibinahagi niya, sinabing nagsanay siya kasama ang P-Pop boy group na BGYO.
At nasulit nga niya ang pagsasanay ng P-Pop. Bumilib ang mga manonood sa mahusay niyang pagwawasiwas ng sarong sa preliminary swimsuit competition at ang magilas na paggamit ng balabal sa grand coronation night. Hinangaan din ng mga tagasubaybay ang pagtatanghal niya ng costume na “Don Juan at ang Ibong Adarna” sa national costume show.
Ngunit para sa marami, pinakanagpaangat sa kanya ang pagsagot niya sa huling yugto ng tanungan. Nang tanungin kung sa palagay niya ay mababaw at maikli lang ang nagiging engagement sa social media, tinugon niya: “My advocacy is for the children who have been domestically abused. If I were to imagine [inspiring] them and see that younger self of mine in the mirror every single day, I would do it another time, like, it’s my ultimate last chance. I just really want to show everyone that with social media and every platform, you can still move people and the world.”
Kinikilig naman siya sa mga papuri sa interview performance niya. “I did make a mark somehow. I tried to topnotch everything from the runway, to how I emote my face, and [question-and-answer]. I love it when people compliment me now, ‘I love your Q&A.’ So it’s one of my favorites, yeah, it’s my favorite compliment,” ani Parani.
Pinabilib ang mga manonood sa bawat yugto ng kumpetisyon, sinabi ni Parani na hindi siya nagmamadaling sumabak muli upang patunayan ang kakayahan niya. “I know in myself now, people really perceive me as young, that my body could still improve, and will take years to mold myself as a beauty queen. Yes, I’m young, but I’ve come so far,” aniya.
At siya rin ang reigning Binibining General Trias. Nakatakdang magsalin ng korona sa magiging tagapagmanang hihirangin ngayong taon, tadtad na rin ng mga tungkuling pangreyna ang kalendaryo ni Parani.
Nakipagtagisan si Parani sa 39 iba pang kalahok sa 2023 Bb. Pilipinas Grand Coronation Night na itinanghal sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City noong Mayo 28. Kasama niyang nagwagi sina Bb. Pilipinas International Angelica Lopez, Bb. Pilipinas Globe Anna Valencia Lakrini, at first runner-up Katrina Anne Johnson.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.