Leandro Baldemor kinarir ang paglililok sa Voltes V figure, mahigit 2 buwan tinapos; ilang obra may taglay na ‘magic’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Leandro Baldemor at ang ilan sa kanyang mga obra
NAKAKABILIB naman pala talaga ang galing at talento ng dating sexy actor na si Leandro Baldemor pagdating sa paglililok at pagpipinta.
Personal naming binisita, kasama ang ilan pang miyembro ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang magaling na aktor nitong nagdaang Sabado, June 3, sa kanyang Obras de Paete gallery sa Paete, Laguna.
In fairness, napakaganda na ng buhay ngayon ni Leandro na hindi lang basta kilala bilang isang artista kundi namamaypag na rin siya as visual artist. Karamihan sa mga obra niya ay sculpture at paintings.
Ayon kay Leandro, na huling napanood sa GMA primetime series na “Lolong“, hindi naman daw lahat ng ginagawa niya ay ipinagbebenta. May mga obra siya na itinuturing niyang may “magic” at maswerte sa kanya.
“Meron akong proud na talagang ginawa nu’ng simula pa lang. Kasi may magic ‘yon. Saka ‘yung isa pa, yung Black Nazarene sa Quiapo na 15 ft. ‘Yun ‘yung mga ‘di ko malilimutan ng Obras de Paete,” kuwento ng aktor nang makachikahan namin sa kanyang showroom.
Hindi rin daw madali ang paglililok ng malalaking pigura, “Matagal siya, siguro mga six months yon (Black Nazarene). Tapos ‘yung sa Iloilo.”
Naichika rin niya ang tungkol sa life-size na Voltes V na ginawa niya kamakailan gamit ang kahoy na mahogany, “Kasi ang proseso nu’n, binlocking ko muna yun sa kahoy.
“Pagka-block ko, ipinorma naming maigi yung posisyon ni Voltes V. Kasi, hindi basta inukit, e. Makikita mo, naka-action siya, e. May dala siyang sword.
“Maraming proseso yun kung paano mong mabubuo nang maayos. Tapos, ang ginawa namin, pagkakuha dun sa styro, ipe-papier-mache para hindi matutuklap yung styro.
“Naka-papier-mache siya, tapos habang inuukit yan, nakaporma siya diyan. Para lahat ng scaling du’n sa styro, lahat ng sukat, mapoporma na sa kahoy.
“So mas madaling proseso. Yun nga lang, medyo mahaba pero mas smooth yung takbo. Kasi mas matigas yung kahoy. Kung doon ka mag-a-adjust nang mag-a-adjust, mas mahirap.
“Ngayon, in-adjust muna namin sa styro para kung makapal, kung manipis, nandun na lahat. Pag kumpleto na siya, saka namin inukit sa kahoy, sa kamagong,” lahad ni Leandro.
Sabi pa ng aktor, baka raw nasa 5’2” ang nasabing Voltes V figure, na tinapos niya at ng kanyang staff sa loob ng dalawa’t kalahating buwan, “Ang umorder sa akin nu’n, kolektor ng Voltes V.”
Halos lahat ng ipinalililok kay Leandro ay religious figures na gamay na gamay na niyang gawin. Sa ngayon, tinatapos pa niya ang mahigit 100 vintage lampposts para sa Pagsanjan, at 35 para sa isa pang bayan sa Laguna.
“Mas malalaki yun kesa sa lampposts ng Jones Bridge sa Manila,” chika ni Leandro.
Samantala, may dalawang teleserye raw siyang gagawin pero hindi muna namin babanggitin dahil baka mapurnada pa. Pero yung isang proyektong tinutukoy niya ay pagbibidahan ng dalawang big stars sa isang TV Network kaya looking forward na siya about this.
May special appearance din si Leandro sa pelikulang “AbeNida” na pinagbibidahan nina Allen Dizon at Katrina Halili, sa direksyon ni Louie Ignacio.