Hindi kasi naging detalyado ang ginawang pamamaalam ng mga hosts ng longest-running noontime show sa bansa kahapon sa pangunguna ng TVJ.
Hindi na kasi nabigyan ng pagkakataon na mag-goodbye nang maayos ang mga Dabarkads sa kanilang programa dahil pinagbawalan na sila ng bagong management ng TAPE Inc. na umere nang live.
Napanood ang farewell announcement ng “Eat Bulaga” sa official Facebook account at YouTube Channel nito kung saan naging madamdamin ang mga kaganapan sa loob ng studio lalo na nang magyakapan na ang mga hosts ng show sa katapusan ng video.
Ito ang dahilan kung bakit replay ang napanood na episode kahapon, May 31, kung saan sa huling bahagi nito ay biglang nahinto at pumasok nga ang pagla-live nina Tito Sen, Bossing at Boss Joey.
Kasunod nito, nagsunud-sunod na ang mga reaksyon ng mga loyal viewers ng Kapuso noontime show, kabilang na ang mga celebrities na naging bahagi ng show sa loob ng 44 years.
Ayon sa nakalap nating impormasyon, hindi naman tuluyang magbababu ang “Eat Bulaga” ere dahil mukhang “done deal” na raw ang paglipat ng iconic show sa TV5.
Sabi nga ni Boss Joey sa kanyang Instagram post, “We’re not signing off… we are just taking a day off!” At mukhang true nga ito dahil balitang two weeks lang magpapahinga ang TVJ at iba pang Dabarkads at babalik na uli sila sa show.
Wala pang official statement ang TV5 about this pero ang chika baka raw hindi na “Eat Bulaga” ang maging title nito kundi “Dabarkads” na.
Samantala, mismong ang GMA 7 na ang nagsabi na hanggang 2024 pa ang kontrata ng TAPE at Eat Bulaga sa kanila pero wala pang kasiguruhan kung ano ang ipapalabas nila sa timeslot ng nasabing noontime program.
Gaano rin kaya katotoo na inalok daw ng bagong management ng TAPE Inc. sina Wally Bayola, Paolo Ballesteros at Jose Manalo na manatili sa “Eat Bulaga” para maging pangunahing host ng noontime show. Pero tumanggi umano ang tatlong Dabarkads.