Rendon Labador nag-sorry na kina Coco Martin at Michael V: ‘Pasensya na for being too straightforward, ganu’n ako pinalaki ng aking mga magulang’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Michael V, Rendon Labador at Coco Martin
NAGLABAS na ng public apology ang motivational speaker at social media influencer na si Rendon Labador para sa lahat ng mga nasaktan at na-offend sa mga matatapang na pahayag niya laban sa ilang celebrities.
Humingi ng paumanhin si Rendon kina Coco Martin, Michael V at sa iba pang personalidad na naapektuhan at na-hurt sa maangas at mga pangmalakasang komento niya patungkol sa mga ito.
Naging hot topic sa socmed ang pambabatikos niya kay Coco dahil sa balitang marami umanong nagrereklamong vendor na nawalan sila ng kita nang mag-taping ang “FPJ’s Batang Quiapo” sa kanilang mga puwesto sa Quiapo, Manila.
Pinag-usapan din nang bonggang-bongga ang pagtawag niya ng laos kay Michael V nang maglabas ng saloobin ang komedyante tungkol sa mga content creators.
Sa pamamagitan ng kanyang Facebook account, nag-post si Rendon ng video kung saan muli nga siyang nagsalita hinggil sa mga kinasasangkutang kontrobersya.
“Gusto ko pong humingi ng apology, gusto ko pong humingi ng pasensya sa lahat po ng Pilipinong nasaktan at naging emotional sa mga nangyayari sa social media,” ang bahagi ng kanyang public apology.
Ngunit ayon kay Rendon, hindi niya maipapangako na titigil na siya sa pagsasalita tungkol sa mga celebrities na makikitaan niya ng mga sablay at pagkakamali sa kanilang trabaho at personal na buhay.
Sey ni Rendon, “Hindi ko po maa-assure kay Michael V, kay Coco Martin at sa lahat mga celebrity or atletang nadadamay sa lahat ng mga isyu na sinisita ko sa internet. Hindi ko po ma-a-assure na hindi ko po kayo masasaktan ulit.
“Pasensya na for being too straightforward. Ganu’n talaga ako pinalaki ng aking mga magulang,” lahad pa ni Rendon.
Pagpapatuloy pa niya, “Straight talaga ako magsalita. Hindi ko kayo bobolahin. Sasabihin ko sa inyo ang totoo. Yun yung mga standard ko sa buhay na hindi ko kayang baguhin para sa inyo.
“Pasensya na kung masyado kayong naging emotional, I’m just here to help. I’m just here to motivate you. Yung pure motivation gusto kong ibigay sa inyo,” dugtong pa niya.
“Sana matigil na ang fake news, sana mag-level up tayo, sana huwag na tayong masyadong maging madamdamin, sana lumaban tayo.
“So, maraming, maraming salamat sa mga nakaintindi. Sa mga hindi nakakaintindi, huwag kayong mag-alala, hindi ako titigil hangga’t hindi kayo mag-improve. Hangga’t hindi kayo lumakas,” pagtatapos ni Rendon.
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay wala pang reaksiyon sina Coco at Bitoy sa public apology ng social media personality.