Andrea Brillantes ine-enjoy ang pagsosolo bilang aktres na walang ka-loveteam: ‘Iba ‘yung pakiramdam kasi independent ako’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Andrea Brillantes
FEELING “independent” ang Kapamilya young actress na si Andrea Brillantes ngayong solo na siyang nagtatrabaho sa mga bago niyang proyekto at walang ka-loveteam.
Ine-enjoy daw ng dalaga ang mga moment na ito dahil nga ilang taon din siyang napako sa pagkakaroon ng leading man o partner sa bawat serye at pelikula na ginagawa niya.
Pero aminado rin naman si Andrea na may mga adjustments din siyang ginawa ngayong nagsosolo na siya, kabilang na riyan ang upcoming iWantTFC digital series na “Drag You & Me” kung saan gaganap siya bilang drag queen.
“Nahirapan din ako maging solo artist kasi noong (13 or 15) pa ako, meron na akong loveteam. Lagi kong kaibigan ‘yung loveteam ko. Simula noong 15 ako, naging boyfriend ko rin ‘yung ka-love team ko.
“Iba kasi ‘yung dynamics kapag in a relationship ka with your partner. Parang it’s not work eh, para kang may date araw-araw. Tapos ‘yung staff na kasama ko d’un sa ‘Kadenang Ginto’ is kasama ko na sa lahat ng shows ko, 15 years old pataas,” paglalahad ni Andrea sa presscon ng “Drag You & Me” last Monday, May 22.
Walang binanggit na pangalan ang dalaga pero alam naman ng lahat na naging dyowa niya ang dati niyang ka-loveteam na si Seth Fedelin at siya mismo ang nagsabi na dalawang taon ding tumagal ang kanilang relasyon.
“Itong Drag You & Me ang first-ever show ko na wala akong dyowa na katrabaho, or wala akong friend na katrabaho. Lahat ng co-stars ko bago. Lahat ng staff, bago,” aniya pa.
Pagpapatuloy pa niya, “Nahihirapan ako na nakakapaninibago, but it’s fun to be with new people. Nakaka-work ko ang mga legends and marami akong natututunan sa kanila. It’s a first, pero set na ako dito. I’m loving the solo era. I’m loving it,” sabi pa niya.
Dagdag pa ni Andrea, “Mas marami kasi akong nagagawa ngayon, and bago siya. Dati parang lagi akong may ka-loveteam. Na-enjoy ko siya, masaya siya, iba ‘yung pakiramdam kasi independent ako. Pupunta ako sa set na work lang talaga.
“Iba kasi iba ‘yung gaan na meron kang kasamang new sa work. Iba ‘yung power na nabibigay niya sa’yo, tsaka feel ko na mas independent ako. Masaya siya,” aniya pa.
Samantala, rarampa na nga si Andrea para sa pinakabonggang iWantTFC original series ngayong Pride Month, ang “Drag You & Me,” na pinagbibidahan din nina JC Alcantara at Christian Bables.
Isa itong modern family rom-com drama tungkol sa drag culture at ang paniniwalang “love is genderless” kaya mahalagang tanggapin ng mga tao ang iba’t ibang klaseng pagmamahal kahit anuman ang sekswalidad.
Iikot ang kwento sa makulay na buhay ni Betty (Andrea) o kilala rin sa drag name niyang Valentine Royale, isang palabang babae at ang ultimate ally ng LGBTQIA+ community.
Dahil gipit sa pera at para maisalba ang gay comedy bar ng kanyang pamilya, sasali si Betty sa Manila Queen Supreme, ang pinaka-engrandeng drag competition sa bansa, pero hindi nila alam na totoong babae si Betty at hindi talaga siya drag queen.
Kakabugin ni Betty ang pagiging drag queen hanggang sa unti-unting mahulog ang loob niya kay Jason/Shania (JC), isang male-bisexual drag queen at ang pinakamalakas niyang karibal sa kompetisyon. Mas magiging komplikado pa ang kanilang relasyon dahil uusisain ito ni Charlie (Christian), isa sa mga drag sister nila at mentor din ni Jason.
Sa kabila ng kanilang mga problema sa buhay, iisa lang naman ang hangad nila at iyon ang magmahal at mahalin sila ng kani-kanilang pamilya.
Pagdating kay Betty, ramdam na ramdam niya ang pagmamahal ng kanyang ‘out and proud’ queer family, habang si Jason naman ay nahihirapang aminin ang tunay niyang sekswalidad sa pamilya niya kaya itinuturi na niyang pangalawang pamilya si Charlie.
Ang “Drag You and Me” ay mula sa direksyon ni JP Habac at kasama rin dito ang real-life drag queens na sina Brigiding, Viñas Deluxe, Xilhouete, at Precious Paula Nicole, pati ang special guests na sina Flor Bien Jr. at Rico Reyes mula sa Home from the Golden Gays.
Kabilang din sa cast sina Romnick Sarmenta, KaladKaren Davila, Ice Seguerra, Jon Santos, Cris Villanueva, Albie Casiño, Lance Carr, PJ Endrinal, Jeric Raval, Amy Nobleza, Noel Comia Jr., at Yves Flores.
Panoorin ang “Drag You & Me” ngayong Hunyo 2 sa iWantTFC app (iOs at Android) o website.