Bb. Pilipinas 2023 candidates muling nasilayan sa ‘Grand Parade of Beauties’
MULING nasilayan ng publiko ang mga kandidata ng 2023 Binibining Pilipinas pageant sa pinakaaabangang “Grand Parade of Beauties” na tumapos sa isang siksik na linggo para sa mga dilag.
Nakapagpahinga nang ilang linggo ang 40 kandidata bago muling ipinatawag para sa pagbubukas ng national costume photo exhibit sa Gateway Mall sa Araneta City sa Quezon City noong isang linggo. Noong Mayo 18, rumampa sila sa harap ng mga kawani ng midya sa Press Presentation, na itinanghal bago ang siksik na National Costume and Fashion Show sa New Frontier Theater, sa Araneta City rin, kung saan naglakad sila para sa dalawang fashion shows, nagtagisan sa preliminary evening gown competition, at nagpabonggahan sa national costume competition.
Noong Mayo 21, inikot ng mga dilag ang distrito sa Quezon City para sa parada, isang taunang tradisyon na pinakaaabangan ng publiko, sapagkat doon nila nasisilayan ang lahat ng mga kandidata, maging ang reigning queens.
Lulan ng convertibles, isa sa bawat kandidata, kumaway ang mga dilag sa mga tagamasid na matiyagang naghintay sa mga bangketa at sa abalang mga kanto. Nakasuot ng makukulay na two-piece swimsuits, mayroon ding bonggang headpiece ang mga dilag, na may malalaking feathers pa, katulad ng mga isinusuot ng mga naghahatid ng kasiyahan sa Las Vegas.
Samantala, mga eleganteng gown ang isinuot ng reigning Bb. Pilipinas queens na sina Nicole Borromeo, Gabrielle Basiano, Chelsea Fernandez, Roberta Tamondong, at Stacey Gabriel, na may tig-isang convertible din.
Umabot ang parada sa EDSA sa kanluran ng Araneta City, Ali Mall sa silangan, at Aurora Boulevard sa hilaga. Nagtapos naman ito sa Green Gate ng Smart Araneta Coliseum sa Gen. Aguinaldo Ave., kung saan isa-isang nagpakilala ang mga kandidata sa harap ng mga naghihiyawang tagahanga. Sumampa rin ang reigning queens bago umulan na makukulay na confetti.
Muling masisilayan ng mga tagahanga at tagasubaybay ang mga binibini sa huling pagkakataon sa 2023 Bb. Pilipinas Grand Coronation Night sa May 28 sa Smart Araneta Coliseum. Mabibili na ang tickets sa Ticketnet. Mapapanood din ito sa A2Z channel 11 sa free TV, sa Kapamilya Channel at Metro Channel sa cable, at sa Bb. Pilipinas official YouTube channel 9:30 ng gabi. Ipalalabas din ito sa ibayong-dagat sa pamamagitan ng The Filipino Channel.
Dadating si reigning Miss International Jasmin Selberg mula Germany, upang samahan sina 2018 Miss Universe Catriona Gray at 2016 Miss Grand International Nicole Cordoves na nagbabalik bilang hosts. Magtatanghal naman si “unkabogable queen” Vice Ganda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.