Kathryn nominado sa 2023 Seoul International Drama Awards, makakalaban ang mga taga-China, Japan at South Korea
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Kathryn Bernardo
ISA na namang good news at bonggang achievement ang natanggap ng Box-Office Queen at award-winning actress na si Kathryn Bernardo.
Yes, yes, yes mga ka-Marites! Ibinandera ng kampo ni Kathryn kahapon na isa ang dalaga sa mga nominado para sa 2023 Seoul International Drama Awards (SDA).
Magaganap ang 18th edition ng SDA sa darating na September 21, with live broadcast sa Korea’s KBS2TV.
Base sa inilabas na official statement ng naturang international award-giving body, lalaban ang girlfriend ni Daniel Padilla sa taunang Seoul International Drama Awards para sa kategoryang Outstanding Asian Stars.
Dito, makakalaban niya ang mga pambatong artists mula sa bansang South Korea, China, Thailand, Japan, at Taiwan.
Ayon sa organizers ng SDA, magsisimula ang botohan para sa nasabing acting category simula sa June 15 sa pamamagitan ng app Idolchamp.
“Winners selected by the vote will also be invited to the ceremony to share the joy of winning the award with the general public,” sabi ng SDA.
Matatandaang last year lang ay nanalo ang kapwa Star Magic artist ni Kathryn na si Belle Mariano. Isa siya sa limang celebrities na binigyan ng Outstanding Asian Star award.
Magiging super busy si Kath ngayong 2023 hanggang 2024 dahil tatlong pelikula ang nakatakda niyang gawin kabilang na ang “A Very Good Girl” kung saan makakasama niya ang internationally acclaimed actress na si Dolly de Leon, directed by Petersen Vargas.
Bibida rin siya sa historical movie na “Elena 1944” na ididirek ni Olivia Lamasan at ang reunion project nila ni Daniel at ng blockbuster director na si Cathy Garcia-Molina.