Basilyo, Crispin, Sisa muling nagsama-sama bilang ‘Crazy As Pinoy’, ipatitikim sa Gen Z ang mga orig hugot songs
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Crazy As Pinoy
NAGBABALIK ang OPM hip hop at rap group na Crazy As Pinoy sa music scene ngayong 2023 makalipas ang mahabang panahon para sa mga bago nilang pasabog!
Ayon sa grupo, hindi naman daw sila nawala sa industriya ng musika, nagkaroon lamang sila ng kanya-kanyang buhay kaya pansamantala silang napahinga sa pagkanta at pagpe-perform.
Sa mga hindi pa masyadong aware, ang Crazy As Pinoy ay ang dating banda na Trianggulo na unang nakilala noong 2000 nang itanghal na grand champion sa “RapPublic of the Philippines” competition sa “Eat Bulaga.”
Ang naging mentor nila sa nasabing contest ng longest-running noontime show sa bansa ay ang yumaong Master Rapper na si Francis Magalona.
Ang unang hit song ng OPM trio ay ang “Panaginip” na binigyan nila ngayon ng bagong tunog para mas maka-relate ang madlang pipol lalo na ang mga millennial at Gen Z. At may bonus pa nga itong bonggang music video.
Humarap sa ilang miyembro ng entertainment media ang Crazy As Pinoy na kinabibilangan nina Lordivino Ignacio na mas kilala bilang Basilyo, Muriel Anne Jamito bilang Sisa, at Jeffrey Pilien bilang Crispin.
Sila ang nagpasikat sa mga awiting “Panaginip”, “Huwad”, at “Crazy Dance” na talaga namang nagmarka sa kanilang mga tagasuporta na tuwang-tuwa ngayon dahil nga makalipas ang ilang taon ay nagdesisyon uli silang magsama-sama.
Kuwento nina Basilyo, Crispin at Sisa, nagkaroon sila ng solo career noong mid-2000 at gumawa nga ng kani-kanilang tatak.
Si Basilyo ang nasa likod ng sikat na sikat na “Lord Patawad” at siya rin iyong isa sa mga alagad o kasa-kasama ni Cardo Dalisay (Coco Martin) sa action-serye na “FPJ’s Ang Probinsyano”. At ngayon, kasama rin siya sa “FPJ’s Batang Quiapo.”
Nagko-compose rin siya ng mga awitin para sa mga TV at movie projects.
Si Sisa naman ang nasa likod ng kantang “Panaginip”, na nakilala at nagkapangalan din sa bilang kompositor at nasa likod ng mga sumikat na commercial jingles isama pa ang pagsusulat ng mga kanta sa mga kilalang artists.
Siya rin ang composer ng hit theme song ng “FPJ’s Ang Probinsyano” na kinanta ni Regine Velasquez.
Nakipag-collab naman si Crispin sa ilang hip-hop artists at siyang nasa likod ng mg sumikat na awiting “Misyon” kasama ang “Barakojuan” at “Marikina All-Star”; “Minahal Kita Agad” kasama sina Bullet, Duff Uno at Jeremiah Toribio. Siya rin ang ambassador ng “Crazy As Pinoy” sa hip-hop community.
At ngayong taon nga, nagdesisyon ang grupo na muling magsama-sama para buhayin ang natulog na career ng Crazy As Pinoy para ipakilala ang kanilang awitin sa bagong henerasyon.
At sa pagbabalik ng grupo sa music arena ay napagkasunduan nilang muling awitin ang kanilang iconic song nilang “Panaginip” na kinanta nila sa kanilang mediacon kamakailan.
Ito’y una nilang naisakatuparan nang mag-guest sila sa Wish 107.5 na talaga namang tumabo at nakakuha ng 14 million views sa YouTube simula nang mag-perform sila sa Wish Bus noong February.
Ito na nga ang naging daan para muling mabuo at muling kantahin ng kanilang grupo ang “Panaginip” sa pamamagitan ng kanilang new management, ang Blvck Entertainment.
Ang new version ng “Panaginip” ang first single ng Crazy As Pinoy sa Blvck Music kasama ang official music video na idinirek ni Titus Cee.
Ang “Panaginip 2023” ay kasama sa kanilang bagong digital album at available na sa mga music streaming platforms tulad ng Spotify, Apple Music, iTunes, Amazon, Deezer, Medianet, Boomplay, You Music.