Mga nanay bumandera rin sa Miss Universe Philippines 2023 pageant
ALINSUNOD sa bagong alituntunin ng Miss Universe Organization, binuksan ng Miss Universe Philippines pageant ang mga pintuan nito para sa mga nanay o may asawa na sa patimpalak ngayong taon. Tatlo ang napabilang sa hanay ng mga opisyal na kandidata sa kumpetisyong nagtapos isang araw bago ang Mother’s Day.
Umukit ng kasaysayan sina Eileen Gonzales mula Quezon City, Joemay Leo mula Benguet, at Clare Dacanay mula Parañaque City bilang mga unang inang naging bahagi ng pambansang patimpalak, na naglatag ng landas para sa higit na pagpapalawig ng pageantry sa Pilipinas.
Napabilang pa si Gonzales sa limang kandidatang pinagpilian para sa “Miss Hello Glow” award sa isang naunang pagtitipon kasama ang isang pageant sponsor, habang nakausad naman si Dacanay sa semifinal round ng final competition na itinanghal sa Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Mayo 13.
Isa nang beterana ng pageants si Gonzales, na nakarampa na bilang single na babae at isang ina. Dalawang ulit siyang sumali sa Miss Global Philippines pageant, ang una noong wala pa siyang anak. Sa ikalawa niyang pagsabak na nangyari makaraan siyang magsilang, nasungkit pa niya ang korona at naging kinatawan ng bansa sa pandaigdigang Miss Global contest.
Isa namang single mother si Dacanay, na dating professional softball player. Mahilig siyang mag-boxing at magluto, at sinusubukan ngayon ang interior design.
Sa isang panayam ng Empire Philippines, ibinahagi niyang ang anak niya ang naging dahilan kung bakit siya naghangad na makahanap ng puwang sa mundo ng pageantry nang manawagan ang Miss Universe Philippines organization sa mga inang katulad niya na lumahok. “It’s really fulfilling. I want to teach my daughter, you have to be proud of yourself for yourself,” ani Dacanay.
Dinagdag pa niyang mayroon pa ring mga taong tutol sa pagkilos ng mga ina para sa mga personal na adhikain. “We’re actually being someone we want to be, and that’s what makes them (detractors) irritated. We’re not following the social norm, we’re going beyond the norm,” ipinaliwanag niya.
Ibinandera niya ang maikling buhok na nagpaangat sa kanya sa hanay ng mga dilag na may mahahabang buhok. Sa swimsuit round ng Top 18 delegates, ipinakita niya ang kaseksihan niya sa isang two-piece swimwear. Para sa gown portion, inirampa niya ang isang pink na bestidang may pasabog na ruching sa likod.
Hindi man niya nasungkit ang titulo, umani pa rin ng paghanga si Dacanay mula sa mga manonood, at maaaring nakapaghikayat din siya ng ibang inang sumabak din sa sarili nilang paglalakbay patungo sa korona.
Napunta ang korona bilang 2023 Miss Universe Philippines sa Kapuso actress at pageant veteran na si Michelle Marquez Dee, anak ni 1979 Miss International Melanie Marquez, at hinirang ding Miss World Philippines noong 2019.
Dalawa pang reyna ang kinoronahan ng organisasyon sa isang hiwalay na programa sa Cove Manila pool club ng Okada Manila sa Parañaque City, madaling-araw ng Mayo 14. Hinirang bilang Miss Supranational Philippines si Pauline Amelinckx at Miss Charm Philippines si Krishnah Gravidez, na kapwa nagtapos sa Top 5 ng pambansang patimpalak.
Para sa edisyon ng Miss Universe pageant ngayong 2023 simulang ipinatupad ang bagong alituntunin ng Miss Universe Organization na tumanggap ng mga aplikanteng naikasal na o nagsilang na, na nagpapahintulot sa national partners na palawigin ang kwalipikasyon para sa kani-kanilang paghahanap ng mga magiging kinatawan para sa pandaigdigang patimpalak na itatanghal sa El Salvador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.