Ryza Cenon, Xian Lim pak na pak ang tambalan sa ‘reincarnation’ movie na ‘Sa Muli’; pinakabonggang pelikula ni Fifth Solomon
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Ryza Canon at Xian Lim
IN FAIRNESS, nag-enjoy at nagandahan kami sa latest offering ng Viva Films, ang romcom at “reincarnation” movie na “Sa Muli” mula sa direksyon at panulat ni Fifth Solomon.
Bida rito sina Xian Lim at Ryza Cenon na gumaganap sa tatlong karakter mula sa iba’t ibang panahon. Ito ang unang pagkakataon na nagtambal ang dalawang Viva Artists Agency talents sa isang pelikula.
Marami nang nagawang Pinoy movies about reincarnation, pero ibang-iba ang naging atake ni Direk Fifth sa bago niyang pelikula na siguradong pak na pak sa younger viewers.
Ginagampanan ni Xian ang mga karakter nina Victor na nabuhay taong 1900s, Nicolas na nabuhay noong 1950s at si Pep, na isa namang nobelista sa present time.
Sa bawat reincarnation na nangyayari, paulit-ulit siyang nai-in love sa kaisa-isang babaeng minaha niya – ang karakter ni Ryza Cenon sa kuwento bilang ni Aurora (1900s), Belen (1950s) at Elly (sa kasalukuyang panahon).
Maayos at kaabang-abang ang pagkakalahad ni Direk Fifth sa tatlong henerasyon na bumubuo sa pelikula at bawat kaganapan ay talagang kaabang-abang lalo na nang muling magkita ang dalawang bida sa present time.
Iikot ang kuwento ng “Sa Muli” sa paghahanap ni Pep sa bagong pagkatao nina Aurora at Belen sa bagong panahon. Siya lang kasi ang nakakaalam ng kanyang third lifetime at malinaw na malinaw pa rin sa kanya ang mga nangyari sa dati nilang mga buhay.
At para maipaalala kay Elly na siya rin sina Aurora at Belen, at sila talaga ang itinadhana, pilit niya itong isinama sa mga lugar kung saan sila nagkakilala at nagkaibigan nang dalawang beses.
Ang plano ni Pep, muling mapaibig si Elly at maiba ang kanilang tadhana – ang mailigtas sa present time ang babaeng pinakamamahal sa tiyak na kamatayan para magkaroon ng happy ending ang kanilang love story.
Ang tanong, magtagumpay kaya siya sa kanyang plano o mauwi pa rin sa trahedya ang lahat tulad ng nangyari sa kanilang past life?
Yan ang kailangan n’yong tuklasin sa pelikula kaya hindi na kami masyadong magkukuwento tungkol sa mga pasabog na eksena para mas maging exciting ang panonood n’yo ng “Sa Muli.”
In fairness, nabigyan naman ng justice nina Xian at Ryza ang kanilang mga karakter sa movie at gusto naming i-congratulate si Direk Fifth dahil masasabi naming ito ang pinakamagandang pelikulang nagawa niya.
Nais din naming palakpakan sina Ryza at Xian sa pelikula dahil pinatunayan nila rito na hindi lang sila pangdrama kundi kering-keri rin nilang mag-comedy at magpakilig.
Gustung-gusto namin ang kahinhinan at pagiging “Maria Clara” bilang si Aurora noong 1900 at perfect na perfect din ang akting niya as Belen sa taong 1950 at pak na pak din sa amin ang pagiging kikay at palabang karakter niya bilang Elly sa modern times na nakakatawa talaga.
Grabe rin ang drama moments niya sa eksena habang kinakausap ang litrato ng namatay niyang nanay.
Showing na ngayong araw ang “Sa Muli” sa mga sinehan nationwide mula sa Viva Films. Give n’yo ng chance ang pelikula dahil hindi masasayang ang ibabayad n’yo sa sinenah. Malaking tulong ito sa pagbangon ng industriya ng pelikulang Filipino.