Gardo Versoza nakaramdam ng lungkot nang maisip na ‘maiiwan’ ang mag-iina niya

Gardo Versoza nakaramdam ng lungkot nang maisip na 'maiiwan' ang mag-iina niya

AMINADO ang aktor na si Gardo Versoza na magkahalong takot at excitement ang kanyang naramdaman matapos atakihin sa puso.

Sa kanyang panayam kay Julius Babao na mapapanood sa YouTube channel ng huli, ibinahagi niya ang kanyang mga pinagdaanan nang isugod sa ospital.

Matatandaang marami ang nagulat matapos mapabalita na bigla na lang isinugod si Gardo sa ospital dahil inatake ito sa puso at ang sanhi ay nasobrahan siya sa pag-eehersisyo.

Pagkukuwento niya, nasa bahay lang raw siya noon habang ang kanyang mag-ina ay lumabas para mag-football. Noong umaga ay maayos pa ang kanyang pakiramdam ngunit noong magtanghali ay nakaramdam na siya ng sakit sa katawan.

Nag-zumba pa nga raw siya bago ang araw ng kanyang atake at hindi naman siya nag-intense workout sa gym kaya nagtataka siya sa nararamdaman. Nag-google rin siya at nakitang ang mga nararamdaman ay senyales pala ng atake. Dito ay sinabihan na niya ang asawa.

“Sumakit na ‘yung batok niya tapos ‘yung ulo niya. Medyo natataranta na ako nang konti kasi parang padagdag nang padagdag ‘yung masakit sa kanya. And then noong time na sumuka na siya, ‘yun na. Sabi ko sa kanya, ‘Iba na yan. Tara na. Pumunta na tayo ng ospital’,” pagbabahagi ng asawa ni Gardo na si Ivy.

Nakaramdam pa nga ng panghihinayang ang aktor dahil may naka-schedule itong trabaho at sinabing pagkatapos na lang ng work siya pupunta ng ospital para magpatingin ngunit hindi na niya kinaya kaya pumunta na sila ng pagamutan.

Pagdating nga raw nila Gardo sa ospital ay napakahaba ng pila at kahit may iniinda nang sakit ay nag-antay ito kahit may duda na siyang inaatake na siya sa puso.

Matapos ang iba’t-ibang testing ay doon na nga nila nalaman na barado ang arteries ng kanyang puso at kinakailangan niyang operahan.

Baka Bet Mo: Gardo Versoza na-discharge na sa ospital, dumiretso ng simbahan para magdasal

Noong kasagsagan nga ng mga nagaganap na mga tests sa kanya at pag-e-explain ng doktor ukol sa kanyang lagay, ay kinakausap na niya ang Diyos na ingatan ang kanyang mag-ina dahil naniniwala siya na kapag oras mo na, oras mo na.

“Maingat naman ako sa pagkain, nag-e-exercise ako palagi, hindi ako abuso sa katawan so bakit ako inatake? Pero sabi ko, lahat yan may sagot Kayo (Panginoon). And if ever it’s my time, Kayo na pong bahala sa mag-ina,” saad ni Gardo.

Kinausap na rin daw ng doktor si Ivy ukol sa lagay ng aktor at sinabihan siyang magdasal na maging matagumpay ang gagawin nilang procedure upang hindi na kailanganin ang by-pass operation at doon nga niya na-realize na nasa kritikal nang lagay ang asawa.

Dito na siya nag-post sa social media ukol sa lagay ni Gardo dahil kailangan na niyang prayer warriors na makakasamang magdasal para sa paggaling ng asawa.

Nang matapos daw ang operasyon ay inakala ng aktor na nasa langit na siya nang marinig ang sabay-sabay na palakpakan ng mga doktor.

“Sabi ko ‘nasa langit na po ba ako?’ kasi sabay sabay ‘yung palakpak nila. Akala mo mga anghel na nag-rejoice,” natatawang kuwento ni Gardo.

Sa kabila ng successful operation ay may isa pang angioplasty na pagdaraanan ang aktor next month.

Aminado naman si Gardo na hindi na siya kinakabahan kung may mangyari man bago ang susunod niyang operasyon.

“Actually parang ‘yun din ‘yung isang natutunan [ko], siguro in a way na parang kapag dumating ‘yung oras na tatawagin ka na, kumbaga wala na ‘yung nerbyos.

“In a way nakakatuwa kasi parang kumbaga game ka na, e. Parang sa akin, yan lang naman if ever aalalahanin ko, ‘yung mag-ina pero kung sarili ko lang, go. Let’s go!” sey ni Gardo.

Dagdag pa niya, “Noong nandoon, kumbaga mas intimate ‘yung pag-uusap n’yo na tinatanong ko pa [si Lord] kung ‘Makikita ko na ba ‘yung mommy ko?’ Kasi kumbaga mama’s boy ako… Mahirap labanan kasi pareho mo silang mahal. Mahal ko ‘yung mag-ina pero nasa lupa. Mahal ko ‘yung nanay ko pero nasa kabilang buhay.”

Kaya naman torn daw si Gardo noong mga panahong inatake at inooperahan siya ng ginagamot siya ng mga doktor.

“Excited akong makitang ulit ‘yung nanay ko pero nalulungkot akong iwan ang mag-ina ko,” yun raw ang tumatakbo sa isip niya.

Chika pa niya, hindi pa raw niya oras kaya hindi pa niya nakikita ang nami-miss niyang ina.

Sa kabila nito ay super happy siya sa mga dasal at suportang natanggap niya noong mga panahong kinakailangan niya ng tulong at prayers sa kanyang pinagdaraanan.

Related Chika:
Gardo Versoza inatake sa puso dahil sa matinding physical activity, sumailalim sa angioplasty

Gardo Versoza: Feeling ko talaga beki ako sa past life ko

Read more...