Kaladkaren emosyonal sa pagiging unang trans newscaster sa Pinas: ‘Sana mapanood ito ng mga batang katulad ko’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Kaladkaren at Karen Davila
PUNUMPUNO ng emosyon ang ibinahaging mensahe ng proud member ng LGBTQIA+ community na si Kaladkaren matapos maging Star Patroller sa “TV Patrol.”
Inamin ni Kaladkaren o Jervi Li sa tunay na buhay na matagal na talaga niyang pangarap na maging newscaster at inakala niyang napakaimposible nitong matupad dahil isa siyang transgender.
Kaya naman gulat na gulat siya nang bigyan siya ng pagkakataon ng ABS-CBN na makasama si Kabayan Noli de Castro at ang ini-impersonate niyang si Karen Davila sa “TV Patrol” last Monday bilang guest Star Patroller.
Siguradong ganito rin ang naramdaman niya nang gumawa siya ng kasaysayan last week bilang unang transwoman na nagwagi ng Best Supporting Actress Award sa 1st Summer Metro Manila Film Festival (MMFF).
Sabi ni Karen sa caption ng kanyang Instagram photos na kuha sa studio ng “TV Patrol”, “Bata pa lang ako gusto ko ng maging newscaster (crying emojis).
“Pero dahil transgender ako, sabi ko sa sarili ko mukhang imposible na makakatapak ako sa isang news room.
“Lumaki kasi ako na walang nakikitang Transgender sa TV. Or kung meron man, hindi sa paraang gusto ko at gusto kong gayahin,” paglalahad pa ni Kaladkaren.
Sa mga hindi pa aware, nag-graduate ang aktres at host ng magna cum laude sa kursong Mass Communication sa University of the Philippines, Diliman, Quezon City.
Sa mga blessings na natatanggap niya ngayon, ang isa sa mga wish ni Kaladkaren ay mapanood siya ng mga kabataang kapwa niya transgender woman.
“Noong magkaroon ako ng pagkakataong makapagbalita sa longest-running Tagalog news program sa primetime television, ipinagdasal ko rin na sana mapanood ito ng mga batang katulad ko.
“Mga LGBTQIA+ kids na nangagarap na may abutin sa buhay,” ang mensahe pa ni Jervi.
Hiling din niya na sana’y magsilbi siyang inspirasyon sa lahat ng miyembro ng LGBTQIA+ community.
“At sana… sa pagbukas ng pintuan, lahat tayo makapasok. I’m so happy I delivered the news as Jervi,” ang message pa ni Kaladkaren.