Romnick Sarmenta, Elijah Canlas ginalingan nang bonggang-bongga sa ‘About Us But Not About Us’, nangangamoy best actor yarn!
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Romnick Sarmenta at Elijah Canlas
GRABE! As in grabe! Masyado namang ginalingan nina Romnick Sarmenta at Elijah Canlas ang aktingan sa pelikulang “About Us But Not About Us” mula sa IdeaFirst Company.
Showing na ang pelikula sa lahat ng mga sinehan bilang isa sa walong official entry sa ginaganap ngayong kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival 2023.
Napanood namin ang nasabing psychological thriller-drama kahapon, April 8, sa pagsisimula ng 1st Summer MMFF sa Gateway Cinema, sa paanyaya na rin ng producer nitong si Direk Perci Intalan ng IdeaFirst Company.
In fairness, marami rin kaming nakasabay sa loob ng sinehan at halos lahat ng nakausap namin ay nagandahan at pinuri rin ang pelikula.
In fairness, totoong-totoo naman yan dahil nagtagumpay si Direk Jun Robles Lana sa paglalahad ng isang kuwento tungkol sa dalawang miyembro ng LGBTQIA+ community na pinagtagpo ng tadhana para mailabas ang malalalim at nakakalokang mga hugot nila sa buhay.
Parehong nabigyan ng hustisya nina Romnick at Elijah ang kanilang mga karakter at super agree kami sa mga comments ng mga nakapanood na rin ng movie na hindi ito boring kahit na umikot lamang ang kuwento sa dalawang tao.
Marami kasi ang nagsasabi na baka raw makatulog at ma-bore lang sila habang pinanonood ang “About Us But Not About Us” dahil bukod sa dalawa lang ang main characters ay nangyari lang ang kabuuan ng movie sa loob ng isang restaurant.
Pero pinatunayan nina Direk Jun (na siya ring sumulat ng script), Romnick at Elijah na pwede rin palang mag-enjoy at ma-entertain ang mga manonood sa ganitong klase ng proyekto.
Kaya nga totoong-totoo ang kasabihang “don’t judge the book by its cover” – kailangang basahin mo muna ito saka mo husgahan nang bonggang-bongga. Dahil hindi mo inaasahan na napakarami mo palang maaaring matutunan mula rito.
Napaka-intense ng mga eksena at batuhan ng dialogue nina Romnick at Elijah at talagang hihintayin mo ang mga susunod na mangyayari dahil habang tumatakbo ang kuwento ay patindi nang patindi ang mga twist and turns ng story.
Wala kang itulak-kabigin sa dalawang bida ng pelikula – mata sa mata, tinginan at titigan pa lang, ramdam na randam mo na ang emosyong nais nilang ipadama sa mga manonood.
Kaya nga, hindi na kami magtataka kung parehong manalong best actor sina Romnick at Elijah sa 1st Summer MMFF Gabi ng Parangal dahil sa ipinakita nilang galing sa “About Us But Not About Us.”
Pero sa pakikipagpachikahan namin kay Romnick kahapon pagkatapos ng 3 p.m. screening ng kanilang pelikula, hindi siya umaasa na magwagi ng acting award dahil ang mahalaga ay mas marami pa ang makapanood ng entry nila at ng pito pang kalahok sa filmfest.
“Hindi naman talaga ako yung tipo na gumagawa ng pelikula para magka-award. Kung bibigyan, salamat sa Diyos pero kung hindi, salamat pa rin. Kung ano ang gusto Niya, okay na okay sa akin,” pahayag ng award-winning actor.
“Pero nagpapasalamat ako sa lahat ng nananalangin at sa lahat ng nagsasabi at nagpe-predict (na mananalong best actor), that for me is already a big honor na. Para sa akin, ang pinakamalaking achievement na siguro yung well-received yung pelikula mo, hindi lang dito sa Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa,” pahayag pa ni Romnick.
Nanalo na ang “About Us But Not About Us” bilang Best Film sa Critic’s Pick competition ng 26th Tallinn Black Nights Film Festival noong nakaraang Nobyembre, 2022 sa Estonia.
Samantala, puring-puri rin ni Romnick ang co-actor niya sa movie na si Elijah. Aniya, napakagaling at napaka-professional din daw na katrabaho ang binata.
Napakahirap daw gawin ng kanilang pelikula, lalo na sa mga dialogues pero kahit paano’y pinadali raw ni Elijah ang kanyang trabaho dahil sa naibibigay nitong emosyon sa bawat eksenang ginagawa nila.