Lito Lapid naghain ng panukalang-batas para mabigyan ng ‘tax break’ ang mga producer, nanawagang suportahan ang 1st Summer MMFF

Lito Lapid naghain ng panukalang-batas para mabigyan ng 'tax break' ang mga producer, nanawagang suportahan ang 1st Summer MMFF

Coco Martin at Lito Lapid

SIGURADONG matutuwa ang mga movie producer sa pagsusulong ng isang panukalang-batas para mabawasan ang tax na binabayaran ng mga local film at entertainment industries.

Sa paghahain ni Sen. Lito Lapid ng Senate Bill No. 2056 ay naniniwala siyang magkakaroon ang local entertainment industry ng mas malaking tsansa na makabawi mula sa mga pagkalugi dulot ng pandemya, piracy at pagdami ng streaming media.

Sa pamamagitan ng probisyon ng kinakailangang income tax break at ang exemption ng mga exhibitors mula sa pagbabayad ng amusement tax, malaki ang magiging tulong nito sa mga producer.


Ang good news na ito ay kasabay nga ng magaganap na 1st Summer Metro Manila Film Festival kung saan walong pelikula rin ang maglalaban-laban sa takilya simula sa April 8 at tatagal hanggang April 18.

“Ang panukalang-batas na ito ay para na rin mahikayat natin ang mas marami nating mga kababayan na bumalik sa mga sinehan at suportahan ang mga pelikulang Pilipino gaya na lamang po ng mga official entries sa Summer MMFF.

Baka Bet Mo: Lito Lapid balak nang mag-retire sa politika, wala pang maintenance medicine sa edad na 67: ‘Kaya ko pang mangabayo, pero…’

“Kailangan nating bigyan ang industriya ng kinakailangang suporta sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga tax breaks na tutulong sa kanilang lumikha ng mahuhusay na sining na may competitive pricing na abot-kaya pa rin para sa ating mga kababayan,” pahayag ng actor at public servant.

Pagpapatuloy ni Sen. Lapid, “Ang pagbabalik po ng ating mga kababayan sa ating mga sinehan at teatro ay makapagbibigay ng tulong sa ating ekonomiya hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa mga nasa industriya, kundi sa mga karatig na economic activities sa paglikha ng mga pelikula at live performance kagaya ng mga restoran at mga shop na nagtitinda sa mga nanood ng mga pelikula at concert.

“Kasama pong benepisyo nito ay ang pagbibigay buhay sa ating sining ng mismo nating mga kababayan,” ang sabi pa ng senador na kasama rin sa Summer MMFF entry na “Apag” kasama si Coco Martin.


Nakasaad pa sa iminungkahing panukala ng aktor, na kikilalanin bilang “Local Arts and Entertainment Industry Promotions Act”, sinumang lokal na producer ng pelikula na gumagamit ng hindi bababa sa walumpung porsyento (80%) ng badyet para sa talento at kawaning Filipino ay maaaring mag-claim ng kabuuang mga gastos na natamo sa pagpapatupad, produksyon, at pagpapalabas ng pelikula sa kondisyon na ang paghahabol para sa exemption ay dapat payagan bilang bawas mula sa kabuuang kita ng kumpanya para sa parehong taxable year at na ang kabuuang halaga ng tax exemption ay dapat isama sa kanilang kabuuang kita o mga kita at sasailalim sa wastong dokumentasyon at sa mga probisyon sa mga pinahihintulutang bawas.

“Umaasa ako na susuportahan rin ng aking mga kasamahan sa Senado ang pagpasa ng panukalang ito upang mas maiangat pa natin ang kaledad ng ating local film and music industries.

“Inaanyayahan ko rin po ang lahat na suportahan ang unang Metro Manila Summer Film Festival.  Ang inyo pong lingkod ay parte ng #APAG sa direksyon po ito ng napakagaling na si Direk Brillante Mendoza,” sabi pa ni Sen. Lapid.

Kaladkaren kinontra ang ‘heterosexual bill’: Naloka ako sa ‘actual and direct creations of God’! Ang husay!’

Lito Lapid shookt sa style ni Direk Brillante Mendoza: Bahala ka sa mga dialogue mo, walang script

Read more...