WALUMPO’T ISANG overseas Filipino workers ang nakatakdang bitayin sa ibang bansa.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs ngayong Miyerkules na ginagawa nito ang lahat ng paraan para mailigtas ang mga nasenstensyahang Pilipino.
“Patuloy na masigasig na nagtatrabaho ang DFA at ginagamit ang lahat ng diplomatikong paraan upang masiguro na walang death penalty sentence na maipapatupad laban sa sinumang Filipino sa ibang bansa,” ayon sa DFA.
“Sa kasalukuyan, mayroong 81 na kaso ng death penalty na kinasasangkutan ng mga overseas Filipinos,” dagdag nito.
Ayon sa DFA, may mga kasong nagawan na ng paraan ng ahensya na mapababa ang sentensya.
Sa Saudi Arabia, dalawang Pilipino ang nahatulan ng parusang kamatayan dahil sa bawal na relasyon. Pero napababa ng ahensya ang kanilang sentensya noong nakaraang taon at naging siyam na taong pagkakakulong na lamang.
Ganundin, noong nakaraang taon ay may 135 acquittals na naitala ang DFA.
Ayon sa ahensya, “ang mga acquittals ay nangangailangan ng pagdaan sa buong proseso ng paglilitis kung saan matatagpuan ng korte na hindi guilty ang Filipino na akusado sa krimen.”
“Sa kabila ng mga ulat sa media na hindi nakakuha ng acquittal ang DFA para sa 2022, nag-uulat ang DFA na batay sa mga numero na ipinadala ng ating FSPs (Foreign Service Posts), mayroong kabuuang 135 acquittal ang nakamit ng DFA sa pamamagitan ng Legal Assistance Fund noong 2022,” sabi pa ng ahensya.
“Dagdag pa rito, karamihan sa mga acquittal ay may kaugnayan sa mga retaliatory cases laban sa mga household service workers (HSWs) sa Middle East para sa pagnanakaw, pagtakas, at breach of trust,” dagdag pa nito.
Ngunit, noong Enero ng kasalukuyang taon, nag-ulat ang DFA na wala silang nakuhang acquittal para sa mga overseas Filipinos sa unang kalahati ng 2022.
Ipinaliwanag ng DFA na sa unang kalahati ng 2022, karamihan sa mga bansa sa Asya at Middle East ay sumusunod sa mahigpit na mga protocol ng COVID-19, kaya’t ang mga korte ay sarado at mayroong “general slowdown sa resolution of cases.”
Mula 2018 hanggang 2022, nakakuha ang DFA ng 556 acquittal sa pamamagitan ng Legal Assistance Fund.
Bukod dito, 354 convicted individuals naman ang pinawalang-sala mula 2018 hanggang 2022.
“Karamihan sa mga pardoned cases ay para sa drug trafficking, prostitution, at theft,” sabi pa nito.
IBA PANG BALITA
91% ng Pinoy pabor sa opsyonal na pagsusuot ng face mask–SWS