‘KMJS’ naglabas ng pahayag kaugnay sa ‘nakawan ng photocards’, nakiusap na tantanan ang pamilya ni ‘Bea’

KMJS naglabas ng pahayag kaugnay sa 'nakawan ng photocards', nakiusap na tantanan ang pamilya ni 'Bea'
NANGGAGALAITI ang mga netizens at ang buong K-pop community matapos ipalabas ang trending episode ng “Kapuso Mo Jessica Soho” o KMJS ukol sa dalagang nagnakaw ng sa sariling lola upang ipambili ng K-pop merch.

Ayon sa naturang episode, umabot sa P2 million ang halagang nakuha ng dalaga sa kanyang lola na naging dahilan raw ng pagkalugi ng kanilang negosyo at naging rason para magbenta na sila ng ibang ari-arian para lamang maipambayad ng utang sa kanilang mga supplier.

Bukod pa rito, ibinandera rin sa naturang episode ng “KMJS” ang limited edition photocards na nagkakahalaga ng P50,000.

Tila naging banta sa seguridad ng mga K-pop fans ang ipinalabas ng programa dahil makalipas lamang ang isang araw buhat nang umere ito ay nagkaroon na ng mga insidente ng nakawan ng photocards na ibinahagi sa social media. May ilan rin na tila nahuhusgahan at natatawag na wirdo.

Kaya naman marami sa mga netizens ang nainis at tinawag ang pansin ng “KMJS” hinggil sa kanilang featured story at dapat raw ay maging responsable ito at i-research maigi ang mga content lalo na’t maaari itong magkaroon impact sa mga manonood.

At dahil imbyerna ang madlang pipol ay hinalugad nila ang social media accounts ni alyas “Bea” maging ng mga kaanak nito.

Batay sa “research” ng mga ito, wala raw katotohanan ang ipinalabas sa “KMJS” na naghihirap na ang pamilya dahil mayaman daw ang mga ito at 2017 pa lang ay collector na si “Bea”.

Baka Bet Mo:  Fans ng K-pop group na Enhypen galit na galit sa ginawa ng lady guard sa NAIA: ‘Nakakahiya!’

Hula ng mga netizens, baka raw strategy lang ng pamilya ang nangyari para magkaroon ng parokyano sa kanilang K-pop merch store.

Sana raw ay hindi na lamang ginawa ng pamilya ang magpa-feature sa “KMJS” dahil nakaapekto pa ito sa tahimik na komunidad ng mga K-pop fans.

Naglabas naman ng official statement ang Kapuso program hinggil sa isyu.

“Nakarating sa aming kaalaman ang tungkol sa isang online post na nagsasabing may nahablutan ng K-Pop merchandise sa MRT-Cubao. Inuugnay ito ng ilan na diumano bunsod ng pag-ere ng KMJS sa kuwento ni ‘Bea’ na nagnakaw ng milyon sa kanyang pamilya para suportahan ang kanyang KPop

collection.

“Nakipag-ugnayan kami sa MRT-Cubao at sa iba pang kalapit na police stations para i-verify ang insidente. Ayon sa pamunuan ng MRT-Cubao at police stations, walang anumang opisyal na naiulat sa kanila na nanakawan o nahablutan ng K-Pop merchandise sa nakalipas na 48 oras.

“Gayumpaman, hinihikayat nilang mag-report sa kanilang tanggapan ang mga nagpakilalang biktima, o sinumang may katulad na insidente para magawan ng aksyon.

“Nakikiusap ang pamilya ni ‘Bea’ na tigilan na ang pang-aatake sa kanila online at pagbubunyag ng kanilang pagkakakilanlan. Lumapit sila sa KMJS para matulungang mabawi ang perang pinaghirapan nila.

“Samantala, kinokondena naman ng pamunuan ng KMJS ang ginagawang trolling at harassment ng ilang netizens sa aming staff na gumawa ng ulat tungkol kay ‘Bea’.

“Nakikipag-ugnayan na rin ang KMJS sa aming Legal Team para sa susunod na hakbang. Tulad ng ibang mga kuwentong itinampok sa KMJS, ginawa namin ang istorya ni ‘Bea’ hindi para manghusga, pero para magsilbing aral at babala. Walang intensyon ang programa na makasakit, makapahamak ng iba, o magkaroon ng pagkakahati-hati.”

Related Chika:
Liza ‘dream come true’ ang pakikipag-bonding sa K-pop idols: The whole time it didn’t feel real to me!

Yorme gagaya sa style ng Korea para palakasin ang showbiz industry; inspirasyon ang BTS, Blackpink

Read more...