Darryl Yap: ‘Hindi ko kailanman matatalo si Direk Joel Lamangan…hindi ko nanaising makalaban ang isang institusyon’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Joel Lamangan at Darryl Yap
IN FAIRNESS, mas marami pa ang humanga sa kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap dahil sa mga bagong pahayag niya patungkol kay Direk Joel Lamangan.
May nasabi raw kasi ang award-winning veteran direktor na tanggap na niya ang pagkatalo ng pelikula nilang “Oras de Peligro” sa bagong obra ni Direk Darryl na “Martyr or Murderer.”
Ito’y matapos kumita ng milyun-milyon ang part 2 ng blockbuster ding “Maid in Malacañang” mula sa Viva Films na pinagbibidahan pa rin nina Cristine Reyes, Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Isko Moreno at Diego Loyzaga.
Sa isang panayam, sinabi umano ni Direk Joel na inaasahan na niyang marami ang manonood sa Marcos movie na “Martyr or Murderer” pero umaasa siya na sana’y kumita rin ang kanilang pelikula.
Sa kanya namang Facebook page, nag-post si Direk Darryl ng mensahe kaugnay ng naging pahayag ni Direk Joel.
“Hindi ko kailanman matatalo si Direk Joel Lamangan; wala akong kahit gahiblang intensyon na makipagkumpetisya,” simulang pagpapakumbaba ng blockbuster director.
“Hindi ko nanaising makalaban ang isa sa mga institusyon; magkaiba kami ng paninindigan pero nasa isang mundo kami kung saan isa lamang akong fresh na orchid na nakikinabang sa lilim ng kanyang mayabong, matayog at matatag na punung-kahoy ng karanasan at reputasyon,” ang dagdag pa niyang pahayag tungkol kay Direk Joel.
Samantala, may mahaba ring post si Darryl Yap hinggil sa mga loyalista ng pamilya Marcos na may panimulang statement na, “Ang mga Kalungkutan ng Loyalista.”
Patuloy pa niya, “Pagkatapos ng premiere sa Davao kagabi,tinanong ko si Senator Imee kung anong masasabi nya sa mga Loyalista na kalaban na ngayon ng kapatid niya; o mga Loyalistang galit din sa kanya dahil di siya sumasang-ayon sa ilang paninindigan ni PBBM.
“Sabi niya, nalulungkot siya, pero kailangan nilang tanggapin na ang Loyalista ay hindi lang basta suporta sa isang apeliydo; ito ay desisyon na maging tapat sa isang legasiya at paniniwala sa ipinaglalaban ng kanyang Ama, hindi tungkol sa kanilang magkapatid.
“Gusto niyang kausapin ang mga ito, pero baka bigyan ng maling kahulugan ng mga nakapalibot sa Malacañang.
“Tinanong naman niya ako kung anong masasabi ko—sabi ko, Kailangang maalala ng mga Loyalista na hindi nila kayo naipanalo ng sila lang.
“Malaki ang paghanga ko sa kanila, respeto — pero hindi kabawasan sa kanilang pagkatao kung tatanggapin nilang sigurado tayong hindi loyalista ang buong 31M, pero sigurado tayong lahat yan ay Pilipino.
“Nalulunod sila sa pag-aakalang sila lang ang nagpanalo kay BBM at tumalo kay Leni.
“Alam natin yung pakiramdam na sila ang matagal na nakipaglaban—alam din natin yung pakiramdam na sila yung matagal nakipaglaban tapos hindi sila naalala o di man lang kinilala nang husto yun. nakakalungkot yun.
“Pero matagal nilang hinintay itong tagumpay na ito, para lang magmalaki at magmaasim. Pinakanakakalungkot ay yung sabihin pa nang iba na ginagamit ko si Senator Imee, at makaDuterte lang ako.
“Ganon lang kababaw ang tingin nila sa talino ni Senator Imee? Nakakatawang nakakaawa ang mga nag-iisip nyan.
“Pwede kayong Malungkot ulit sa loob ng maraming panahon, kaya nyo yun…
“O maging tapat sa katotohanan—na ang gusto nating ipanalo ay ang ipinaglalaban nyo nang matagal nang panahon…hindi yung kayo lang ang nagmamahal ngayon at kayo lang ang nagpanalo sa ating lahat.
“Saka isa pa, aminado ang lahat—Mas DDS pa sakin si Imé. Panoorin nyo sa Video sa Comment section,” ang kabuuan ng FB post ni Direk Darryl na ngayon pa lang ay naghahanda na para sa part 3 ng kanyang Marcos movie.