Luis Manzano balik-trabaho na sa ‘I Can See Your Voice’; Jason Dy hugot na hugot sa ‘pakikipagrelasyon’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Luis Manzano at Jason Dy
KAKAIBANG Jason Dy ang maririnig ngayon sa R&B dance song na “Ulit-ulit,” ang una niyang patikim bilang bagong miyembro ng Star Music family.
Inilunsad niya ang kanta nitong March 1, eksaktong walong taon pagkatapos niyang magwagi bilang “The Voice Philippines” season 2 champion.
Sa bagong era ng kanyang music career, handa na ang tinaguring Prince of Soul ng bansa na ibida ang bago niyang tunog sa pamamagitan ng pagsubok niya sa ibang music genres na iba sa nakasayanang tunog ng kanyang fans.
Kasama na rito ang nakakaindak na “Ulit-ulit” na tungkol sa pagkadismaya sa paulit-ulit na pagtatalo ng dalawang tao na may ugnayan.
“The song talks about that point in the relationship where the fights are getting repetitive. Pare-parehas lamang ang argumento at wala namang nare-resolve,” kwento ni Jason.
“Tungkol ito sa kung karapat-dapat pa bang isalba ang isang relasyon or kailangang tapusin na,” dagdag niya tungkol sa awiting isinulat niya ilang taon na rin ang nakalilipas.
Magiging bahagi ang “Ulit-ulit” ng mini-album ni Jason na nakatakdang ilabas ngayong taon sa ilalim ng Star Music.
Pakinggan ang “Ulit-ulit” ni Jason na available na ngayon sa iba’t ibang music streaming platforms. Para sa ibang detalye, sundan ang Star Music sa Facebook, Twitter, Instagram, Tiktok, at YouTube.
* * *
Mapupuno ng kasiyahan at katatawanan ang mga gabi ng manonood sabagong season ng pambansang mystery music game show ng bansa sa pangunguna ng host na si Luis Manzano at ang pagbabalik nina Bayani Agbayani at Long Mejia bilang singvestigators kasama sina Negi, Angeline Quinto, MC Muah, at Lassy.
Nasubukan ang talento ng APO Hiking Society members na sina Jim Paredes at Boboy Garovillo sa panghuhula kung sino ang tunay na see-nger sa unang episode sa Sabado (Marso 4), habang susubukang sungkitin ng “Tawag ng Tanghalan” hurado na si Darren ang P25,000 sa paghula kung sino ang see-nger at seen-tunado sa mga secret songer ngayong Linggo (Marso 5).
Tulad din noon, gagabayan ng singvestigators ang celebrity guests sa tatlong rounds hanggang sa mapili nito ang chosen secret songer na sa tingin nila ay see-nger at makikipagduet sa kanila sa dulo ng show.
Nakapanalo na ng 27 awards ang “I Can See Your Voice” pati na si Luis mula sa iba’t ibang award giving bodies tulad ng PMPC Star Awards for Television, Catholic Mass Media Awards, Platinum Stallion Media Awards, Educ Circle Awards at marami pang iba.
Huwag palampasin ang pagsisimula ng “I Can See Your Voice” ngayong Sabado at Linggo, 8:30 p.m. sa lahat ng ABS-CBN platforms.