Tanggapin kaya ni Willie ang alok na pumalit kina Tito, Vic & Joey kapag tuluyang nawala sa ‘Eat Bulaga?
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Willie Revillame, Joey de Leon, Vic Sotto, Tito Sotto, Paolo Ballesteros, Wally Bayola at Jose Manalo
WALA pang reaksyon ang TV host na si Willie Revillame tungkol sa kontrobersyang kinasasangkutan ng longest-running noontime show sa Pilipinas, ang “Eat Bulaga”.
May kumalat kasing chika na si Willie raw ang gustong kunin ni Romeo Jalosjos bilang bagong host ng “Eat Bulaga” kung tuluyan na ngang mawawala sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon.
Ito’y may kaugnayan pa rin sa chikang may malaking pagbabagong mangyayari sa management ng programa, kabilang na ang pag-alis ni Tony Tuviera bilang isa sa mga bossing ng TAPE Inc..
Sina Jalosjos at Mr. Tuviera ang mga founder ng TAPE Inc., ang producer ng “Eat Bulaga” pero ang huli ang talagang namamahala sa noontime show na napapanood sa GMA 7.
Ayon sa report, mas malaki umano ang share ng dating kongresista sa TAPE kaya ang mangyayari raw ay ang tatlong anak na niya ang magpapatakbo sa “Eat Bulaga”.
Dahil dito, may naglabasang chika na kapag nawala na si Mr. Tuviera sa programa ay hindi na rin mapapanood sa show sina Tito, Vic at Joey dahil sa loyalty nila sa kanilang bossing.
At kung mangyayari nga ito ay balitang mawawala na rin sa “EB” ang iba pang Dabarkads tulad nina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Pauleen Luna, Ryan Agoncillo at Maine Mendoza.
Sa gitna ng kontrobersyang ito ay kumalat nga ang chika na kinakausap na umano ng kampo ni Jalosjos si Willie para maging main host ng “Eat Bulaga.”
Ngunit may mga nagkomento na mukhang imposible sa ngayon ang nasabing balita dahil may kontrata si Wllie sa ALLTV Channel 2 bilang host ng “Wowowin.”
Ilang linggo nang hindi nang napapanood si Willie sa live telecast o live streaming ng “Wowowin”. Ito’y matapos pansamantalang ipahinto ng AMBS Network ang pagpapalabas ng kanilang mga programa hangga’t inaayos pa ang kanilang signal.
Nauna nang nagpahiwatig ng loyalty si dating Senate President Tito Sotto kay Tony Tuviera. Hindi naman dinenay o kinumpirma nina Tito, Vic & Joey ang tungkol sa isyu.