SRO (Standing Room Only) ang SM Megamall Cinema 1 sa rami ng taong dumalo sa ginanap na premiere night ng pelikulang “Oras de Peligro” na naging parte ng 1986 Edsa Revolution at gusto nilang alalahanin ulit ang mga hirap ng taumbayan ng mga panahong iyon.
Palakpakan ang lahat ng taong nasa sinehan dahil magaganda ang footages na ipinakita sa pelikulang idinirek ni Joel Lamangan na iyon palang ay buo na ang kuwento mula sa panulat nina Bonifacio Ilagan at Enrique Ramos for Bagong Siklab Productions.
Ang kuwento ng “Oras de Peligro” ay nagsimula sa kuwento ng apat na araw bago umalis ng Pilipinas ang pamilya Marcos sa pangunguna ni dating Presidente Ferdinand E. Marcos kasama ang asawang si Gng. Imelda R. Marcos at mga anak na sina Imelda, Bongbong na kasalukuyang presidente ng bansa ngayon at si Irene.
Ipinakita sa pelikula ang People Power na nangyari sa EDSA, mga madre at pareng naki-rally, mga mamayang Pilipino na nagbibigay ng pagkain at tubig sa mga sundalo na noo’y sumusunod lang s autos ng nakatataas.
Nagkaroon ng holdapan at nadamay si Allen Dizon na binaril ng pulis kaya namatay at asawa siya ni Cherry Pie Picache sa istorya.
At dahil mga pulis ang may gawa kaya pilit nilang inaagaw ang bangkay nito para walang pruweba pero hindi nagtagumpay sa pamumuno ni Jim Pebangco kasama sina Apollo Abraham, Marcus Madrigal, Rico Barrera, at Alvi Siongco na may cameo role bilang isa sa producer ng Bagong Siklab Productions kasama si Atty. Howard Calleja.
Tinulungan ng mga kapitbahay nila sina Cherry Pie at mga anak na sina Therese Malvar, Dave Bornea, Timothy Castillo, kaibigang si Elora Espano, Gerald Santos, Crysten Dizon at ama ni Allen na si Nanding Josef. Naroon din si Mae Paner na tumulong sa pamilya ng namatayan.
Sa bandang likuran kami nakaupo at nakita namin ang mga hindi kilalang tao na panay ang pahid ng kanilang mga luha dahil marahil hanggang ngayon ay hindi pa nila nakakamtan ang katarungan tulad nga ng sabi ni direk Joel na hanggang ngayon ay naghahanap siya ng hustisya.
May mga dumalong professor na nagtuturo ng law sa University of the Philippines na ang hiling niya ay mapanood din sana ang “Oras de Peligro” sa mga eskuwelahan dahil ang mga estudyante niyang kumukuha ng abogasya ay walang alam sa nangyaring Martial Law at people power noong 1986 EDSA revolution dahil akala raw ay fiction ang ikinuwento nito sa mga estudyante niya.
Nakatataka naman ang mga estudyante sa UP College of Law na ayaw nilang maniwala sa kuwento ng kanilang teacher, e, parte na ito ng history?oo
Nang makausap namin ang anak ni Cherry Pie na si Nio Tria, 20 years old, 3rd year college at kumukuha ng Legal Management sa Ateneo de Manila University at inaming may alam siya tungkol sa mga nangyari noong 1986 EDSA dahil itinuro raw ito sa kanila.
Samantala, isa rin sa walang tigil ang pagdaloy ng kanyang mga luha ay ang kilalang journalist na si Ginoong Pablo Tariman dahil nawalan siya ng anak at manugang.
Pinuri siya ni direk Joel sa napakagandang sinulat nito tungkol sa pelikula na halatang inspired dahil nga na-experience pala ito ni Ginoong Tariman.
Aniya, “Naiyak ako sa napanood ko kasi lahat ng nangyari sa scene na ‘yun ay nangyari sa akin, nangyari sa anak ko, sa son-in-law ko. ‘Yung nag-aagawan ng mga bangkay nangyari sa akin ‘yan sa Silay (Negros Occidental) at sa Kabankalan noong kini-claim ko na mga bangkay nila kaya hindi pa natatapos ang pelikula ay buhos na ang iyak ko kasi naalala ko. Sana ‘yung rebyu ko sa pelikula ay makita rin ng mga manonood pero (base) sa mga nakapanood ngayon, ‘yung naramdaman ko ay naramdaman din nila.”
Anyway, mapapanood na ang “Oras de Peligro” sa Marso 1 at alamin kung ano ang tunay na nangyari sa 1986 Edsa revolution.
Related Chika:
Joel Lamangan sa mga pelikula ni Darryl Yap: ‘Ipaglaban ang katotohanan, hindi dapat padala sa melodrama ng awa’