Chito Miranda pumalag sa nagsabing ‘sayang’ ang fundraising campaign para kay Gab Chee Kee: Ang sama kasi nung dating

Chito Miranda pumalag sa nagsabing 'sayang' ang fundraising campaign kay Gab Chee Kee

INALMAHAN ng frontman at vocalist ng Parokya ni Edgar na si Chito Miranda ang hindi magandang komento ng isang netizen patungkol sa ginagawa nilang fundraising para sa kabandang si Gab Chee Kee.

Kahapon, February 20, muling naglabas ng update ang bokalista patungkol sa mga Parokya collectibles na kanilang naibenta bilang bahagi ng fundraising campaign para sa gitarista.

Lahad ni Chito, “Nabenta namin yung school polo na sinuot ko sa music video ng Bagsakan for P150k (tapos nahanap ko yung slacks at yung cap so sinama ko na).

“Tapos nabenta naman namin yung puppets na ginamit namin sa album cover ng Halina sa Parokya for P85k (si Mr.Suave at Chito Matsing).”

Nagpasalamat naman ang bokalista sa lahat ng mga taong nag-bid dahil sobra raw itong malaking tulong kay Gab.

Hiling pa nga ni Chito na sana’y mahanap rin nila ang polo na na isinuot noon ng namayapang si Francis “Kiko” Magalona na tinagurian bilang “master rapper”.

Marami naman sa mga netizens ang masaya sa ginagawang pagtulong at hindi pag-iwan ng Parokya Ni Edgar maging ng ibang mga OPM bands ngunit hindi pa rin nawawala ang mga taong may hindi magandang sinasabi.

Ayon nga sa isang netizen, “sayang” raw ang perang nililikom nila para sa gamutan ni Gab.

“sayang naman 8M sana iwan nalang sa pamilya ……… “sorry just my opinion kung ako nasa kalagayan nya tatanggihan ko na yung tulong nila ibigay nalang sa mas nangangailangan. I know you want to save life pero let it be sabi nga ng Beatles,” comment ng netizen sa post ni Chito.

Agad namang sinagot ng bokalista ang negatibong komento ng netizen na nanghihinayang at tila pinaparating na hindi deserve ni Gab ang matulungan sa kanyang pagpapagamot.

“Ang sama kasi nung dating na ‘sayang naman yung 8M’ as if hindi worth yung buhay ng kabanda namin…kung sa kalagayan mo ihahambing, dun ka sa page mo mag-post or sa sarili mo nalang kasi it may come as offensive or insensitive sa iba, lalo na sa amin,” sagot ni Chito.

Pagpapatuloy pa niya, “Wag ka manghihinayang sa pera na pinaghirapan ng lahat ng tumulong kay Gab…hindi po sya ‘sayang’.”

Banat pa ni Chito, kung para sa netizen ay “sayang” ang fundraising na ginagawa nila, para sa Parokya Ni Edgar ay “all worth it” ang lahat.

Matatandaang nasa Intensive Care Unit (ICU) ang gitaristang si Gab na kasalukuyang nakikipaglaban sa saki niyang lymphoma.

Marami na ring mga indibiduwal at mga personalidad ang nagpaabot ng suporta at tulong kina Gab gaya na lang ng Eraserheads, Typecast at marami pang iba.

Magsasagawa rin ng fundraising shows na pinamagatang “Resbak para kay Gab” sa Marso sina Chito kasama sina Ebe Dancel, Itchyworms, Gracenote, Rivermaya, at 6 Cyclemind na gaganapin sa Mandaluyong.

Related Chika:
Gitarista ng ‘Parokya ni Edgar’ nasa ICU, sey ni Chito: Matinding laban ‘to para sa kanya…at reresbakan natin siya

Chito Miranda ibinebenta ang Parokya collectibles para tulungan si Gab, nagbabala ukol sa scammers

Eheads mag papa-auction ng gitara para kay Gab ng ‘Parokya ni Edgar’, kwento ni Chito: Sila ang ultimate idol namin!

Gitarang pirmado ng Eraserheads para kay Gab, naibenta ng P1.3 million

Read more...