SA darating na Marso, nakatakda nang maglabas ng desisyon ang Department of Transportation (DOTr) patungkol sa pagtataas ng pamasahe sa mga tren – ang MRT at LRT.
Ito ang sinabi ni Transportation Undersecretary for Railways na si Cesar Chavez sa naganap na hearing kamakailan lang.
Ayon pa kay Chavez, pag-aaral na muna niya ang fare adjustment plea at target niyang magpasa ng proposal nito sa loob ng sampu hanggang 15 na araw kay Transport Secretary Jaime Bautista.
Ang hirit ng DOTr ay itaas ang base fare ng P13.20 mula P11, habang ang per-kilometer fee ay magiging P1.21 mula sa P1.
Ibig sabihin nito, madadagdagan ng P4.50 ang kada biyahe ng isang commuter.
Dahil sa inihayag ng nasabing ahensya, iba’t-ibang grupo ang pumalag at hindi sang-ayon sa pagtataas ng pamasahe.
Karamihan sa kanila ay nagsasabing dagdag pasanin at problema ito sa ordinaryong Pilipino, lalo na’t patuloy pa rin ang “inflation” o pagtaas ng mga bilihin.
saad ni Renee Co of Kabataan Party-list sa isang pahayag, “‘Yung mga parents hirap na sa allowance sa kanilang mga anak bibiyahe papuntang school, pabalik, na magkasya ang allowance sa lunch and sa expenses for face-to-face classes…as well as young workers na nagsisimula pa lang magtrabaho after pandemic.”
Aniya, “Hindi po justified at mahihirapan sa fare increase na ito.”
Gayundin ang naging sentimyento ng Kilusang Mayo Uno na ayon sa kanilang Facebook post ay “very untimely.”
Paliwanag pa nila, napakalaki na ang ibinabawas ng pamasahe sa sinasahod ng mga manggagawa.
“Transportation expenses eat up a significant portion of a workers’ wage. Workers detest any peso deducted or lost from their take home pay because it equates to less money for food and other basic needs. This is the reality for many of our kababayans,” sabi sa official statement ng grupo.
Kung maaalala nitong Enero ay inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang resolusyon mula sa Light Rail Transit Authority (LRTA) na dagdagan ng P2.29 ang pamasahe, habang ang distance fare ay tataas ng 21 sentimo.
Ibig sabihin, magiging P13.29 na ang pamasahe mula sa P11, at ang kada kilometro ay tataas na ng P1.21 mula sa kasalukuyang P1.
Pero paglilinaw naman ng LTFRB sa INQUIRER.NET na bagamat inaprubahan na nila ang request ng LRTA, hindi pa magsisimula ang implementasyon ng dagdag-pasahe.
Matatandaang noong nakaraang taon ay tiniyak ng DOTr sa publiko na hindi nito pagbibigyan ang kahilingan ng private sectors ng mga riles na taasan ang pamasahe dahil marami pa rin ang apektado ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Read more:
Pasahe sa LRT nagbabadyang tumaas matapos aprubahan ng LTFRB