Cherry Pie ibinuking ang sikat na celebrity na walang respeto sa senior stars: ‘Alam n’yo hindi forever ‘yang talent n’yo’

Cherry Pie ibinuking ang sikat na celebrity na walang respeto sa senior stars: 'Alam n’yo hindi forever ‘yang talent n'yo'

Cherry Pie Picache

PAGKATAPOS ng mediacon ng pelikulang “Oras de Peligro” ay nakapanayam ng ilang miyembro ng media si Cherry Pie Picache at pinuri niya ang mga kabataang nakakasama niya dahil marunong magbigay-pugay sa kanilang senior stars.

Nakaranas na raw kasi siya noon ng kabataang artista na walang respeto sa mga veteran at seasoned actress and actors.

“Marami talaga, sobrang sikat.  Basta in general may mga nae-encounter ako na I think hindi nila nari-realize na ‘yung importance of knowing ng senior stars sa kanila.

“Di ba may insidenteng may bata hindi kilala si Direk Lino Brocka (namayapa na), nagalit din ako noon. Sabi niya (batang aktres), ‘huh? Who’s Lino Brocka ba?’  Batang artista at that time.

“Ten years ago nasaktan din ako no’n kasi katulad ako lumaki ako na (silang senior stars) ang mga hinahangaan ko. Sila ang nag-inspire sa akin, nag-encourage, natuto ako sa kanila, so, parang ang sakit-sakit sa loob ko na nakikita ko na walang respeto sa senior actors.

“Gusto kong sabihin sa kanila na, ‘alam n’yo hindi forever ‘yang talent na God given sa inyo, it should be always coupled with attitude pagbibigay galang,” esplikang mabuti ng aktres.

Inihalintulad din niya ang mga batang artista sa mga baguhang journalist na dapat ding magbigay-galang sa mas senior sa kanila.


“Tulad sa inyo as journalists, ‘yung mga bata ngayon at hindi magbigay-galang sa inyo na hindi alam kung ano ang na-curve n’yo sa industry hindi ba nakakasakit? Kahit saan industriya naman (merong ganyan),” pahayag ng aktres.

Kinukulit na magbigay ng initials ng pangalan si Cherry Pie pero ngumiti lang ito pero aniya sikat na sikat pa rin ito ngayon.

Tulad din ni Dina Bonnevie na pinagsasabihan ang mga batang artista na matutong gumalang ay ganito rin daw si Pie.

“Patol ako, sinasabihan ko pero parang gumanu’n (tumaas ang kilay) lang siya. Pero hindi ako nangingimi na turuan at pagsabihan sila.

“Lalo na ako ang training ko kay tita Glo (Gloria Romero) at may kasama kaming (ibang) seniors, never naming hahayaang mauna sila sa set bago kami. Dapat una kami bago sila. Ganu’n ang training namin at natutunan ko kina direk Joel (Lamangan), direk Peque (Gallaga),” kuwento pa ng aktres.

Nakasama ni Cherry Pie si Ms. Gloria Romero sa pelikulang “Tanging Yaman” (2000) at “I Wanna Be Happy” (2006).

At sa batang artistang hindi marunong gumalang ay ayaw na raw maka-work ni Cherry Pie, “Pero hindi lang naman that single incident, may mga bata rin talaga na I tell them directly, may iba naman very responsive at panay ang sorry.

“Sabi nila, ‘we don’t mean it that way but now we will be more sensitive and more aware’, so marami naman ganu’n.

“Saka sa mga workshops ngayon ini-incorporate ‘yun na respect the seniors, whether directors or actors. Pero kapag walang pagbabago hindi ko na lang masyadong pinapansin kasi wala rin naman siyang pupuntahan,” sabi pa nito.

Samantala, hiningan ng komento si Cherry Pie kung napag-uusapan na nila ng boyfriend niyang si Edu Manzano ang isyung kinasasangkutan ngayon ng anak nitong si Luis Manzano na iniimbita ngayon sa NBI base na rin sa mga isinampang reklamo ng investors ng Flex Fuel na noo’y pinamamahalaan ng TV host.

“Ay respeto, respeto. That’s between the father and the son. It’s between the both of them, it’s not that walang support. I prayed for him that he will surpass of what he is going through,” sagot ni Cherry Pie.

Anyway, ang “Oras de Peligro” ay mapapanood na sa Marso 1 sa mga sinehan mula sa Bagong Siklab Productions nina Atty. Howard Calleja at Alvi Siongco directed by Joel Lamangan.

Coco namura na rin ng direktor, binayaran ng P2k sa ginawang pelikula; Cherry Pie nanawagan sa mga sikat na youngstar

Relasyong Cherry Pie, Edu aprub sa mga celebs pero ninega ng ilang bashers

 

Read more...