Mga Latino bumandera sa Mister Global contest; Pinoy waging Best National Costume
MGA kalahok mula sa Latin America ang nakasungkit sa tatlong pinakamatataas na puwesto sa katatapos na Mister Global competition na itinanghal sa Royal Park Rajapruek sa Chiang Mai, Thailand, noong Feb. 11, at napunta kay Juan Carlos Ariosa mula Cuba ang titulo.
Hinirang bilang first runner-up si Oscar Guerrero mula Colombia, habang second runner-up naman si William Gama mula Brazil. Tatlumpu’t siyam na mga kalahok ang nagtagisan sa patimpalak.
Hinirang ding Mister Photogenic si Ariosa, na tinanggap ang titulo bilang Mister Global mula sa Vietnamese na si Danh Chieu Linh, na pumangalawa sa naunang patimpalak.
Si Miguel Angel Lucas mula Espanya ang hinirang bilang Mister Global sa ikapitong edisyon ng patimpalak na itinanghal noong Marso ng nagdaang taon, sa Thailand din. Ngunit noong Setyembre, ihinayag ng organisasyon na hindi na siya magpapatuloy, at itinalaga si Danh upang tapusin ang mga nalalabing buwan ng paghahari.
Nasa Pilipinas si Lucas noong Hunyo ng nagdaang taon upang tumulong na maigawad ang titulo bilang Mister Global Philippines sa Mister International Philippines competition. Napunta ito kay Mark Avendaño, na first runner-up sa pambansang patimpalak.
Samantala, naiuwi ni Avendaño ang parangal na Best National Costume sa pandaigdigang patimpalak. Ibinandera niya ang costume na halaw sa jeepney sa preliminary contest na itinanghal bago ang final competition.
Dalawang Asyano pa ang kinilala sa pandaigdigang patimpalak. Kapwa nagtapos sa Top 5 si “Best Charming” winner Kim Hee Won mula Korea at host delegate na si Setthapan Thongsuk.
Magiging maikli naman ang paghahari ni Ariosa bilang Mister Global. Ihinayag ng pandaigdigang organisasyon sa final competition na itatanghal ang ikasiyam na edisyon ng patimpalak sa darating na Nobyembre, sa Thailand din.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.