Coco naiinggit sa mga K-drama kaya mas lalong ginagalingan ang trabaho: ‘Kayang-kaya ring gawin yan na mga Filipino!’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Lovi Poe at Coco Martin
KUNG may isang artista na masasabing talagang binagyo ng blessings nitong mga nagdaang taon, yan ay walang iba kundi ang Teleserye King na si Coco Martin.
Talagang nagsimula nang walang-wala at nagmula sa ibaba si Coco ngunit dahil sa kanyang sipag, tiyaga, disiplina ay dedikasyon sa trabaho ay naabot niya ang tuktok ng tagumpay.
Pero hindi rin naman narating ng award-winning actor ang estado niya ngayon nang biglaan at madalian. Matitinding pagsubok din ang pinagdaanan niya bago nagtagumpay.
Sa grand mediacon ng bago niyang serye sa ABS-CBN na “FPJ’s Batang Quiapo”, binalikan ng aktor ang kanyang pinagmulan at kung paano siya nagsumikap para maabot ang mga pangarap.
Sey ng aktor, hindi niya in-expect na grabeng blessings ang matatanggap niya sa buhay. Masaya na raw siya noong rumaraket bilang extra at kumikita ng sapat na halaga para makatulong sa pamilya.
“Sa buhay ko noong nag-aartista ako, sabi ko nga, hindi ko naman pinangarap maging artista. Siguro sa pakikipagsapalaran sa kahirapan ng buhay noong nakakita ako ng oportunidad na dito ako kikita, sinamantala ko yung pagkakataon.
“Hindi ko talaga siya tinitignan na parang gusto ko talagang maging artista, basta ang tingin ko dati raket lang ito, basta kikita ako, titirahin ko iyan.
“Noong nakita ko na hindi na siya raket, noong napamahal na sa akin yung trabaho ko, nakita ko na parang may oportunidad pala na maging totoo siyang hanapbuhay.
“Kaya pinahalagahan ko siya at talagang nakinig ako, inaral ko kung paano talaga maging propesyon itong bagay na ito,” pahayag ni Coco.
Aniya pa, “Yung pagiging direktor, siguro sa pagiging interes ko sa mundong ginagalawan ko o sa industriyang ito hindi ko namamalayan na yung mga panahon na nagsisimula ako.”
Marami rin siyang natutunan sa mga nakasama niyang mga tao na nagtatrabaho sa likod ng kamera, “Hindi kasi ako yung tipo ng artista na nakatambay sa tent at makikipagkuwentuhan sa mga kapwa artista ko.
“Mahilig ako na nasa labas, ang kakuwentuhan ko yung mga staff at cameraman, tapos lagi akong nakikinig kung paano nagbibigay instruction yung direktor, pati yung mga writers kung paano nila binubuo yung script at yung kuwento.
“Hindi ko namamalayan na nakakapag-aral na pala ako noon nang dahan-dahan.
“Kaya dumating yung point na nag-aartista ako, sabi ko sa sarili ko, siyempre kapag artista ka, isa sa mga pangarap mo na sana balang-araw maging direktor ka,” lahad pa niya.
Natupad ang pangarap niyang ito nang bumida sa longest-running teleserye sa Philippine television na “FPJ’s Ang Probinsyano”. Pero sabi ni Coco, ito rin ang isa sa pinakamahirap na estado ng kanyang career.
“Ang pinakamali ko sa buhay ko noong pinasok ko na yung pagdidirek. Napakahirap pala niyang responsibilidad, hindi siya ganun na makakapagdirek ka, ayon na yun, pero hindi.
“Sabi nga nila, ikaw yung kapitan ng barko, kapag nagkamali yan, kung ano man ang mangyari, ikaw at ikaw ang may kasalanan diyan.
“Ngayon, ang problema ko sa sitwasyon ko ngayon, nahahati ako, dahil ako yung artista, ako yung nag-iisip ng kuwento.
“Minsan ako rin yung nagsusulat, ako rin yung nagdidirek, tapos ako rin yung nagla-line prod nitong production na ito (Batang Quiapo). Kaya ang nangyayari, magkakalaban siya. Ang pagiging creative at saka producer, number one na magkalaban yan.
“Kasi mag-iisip ka ng kuwento para palakihin pero ikaw rin yung magpipigil sa sarili mo para paliitin. Kaya ang hirap-hirap ng sitwasyon. Siguro sa awa ng Diyos at sa pagmamahal ko sa trabahong ginagawa ko ngayon, nakakaya naman po,” pagbabahagi pa ng aktor.
Samantala, naglabas din siya ng saloobin tungkol sa pagtangkilik ng mga Pinoy sa mga Korean movies at K-drama.
“Pinipilit na kayanin at talagang kasi ang goal ko ano, e, naiinggit ako, honestly, sa mga Korean telenovelas na lumalabas ngayon
“Sobra siyang naa-appreciate ng mga Pilipino, na para sa akin sinasabi ko na kayang-kaya rin nating gawin yan na mga Pilipino.
“Kasi alam ko na napakahusay talaga natin at napaka-talented naman natin,” paliwanag pa niya.
“Ang kailangan lang talaga natin may taong magtitiwala na bigyan tayo ng pondo, tamang oras, kasi yung talento na sa atin, e. Para sa akin, ang mga Pilipino ang isa sa mga mahuhusay na artista sa buong mundo.
“Ang mga direktor, writer, lahat napakahuhusay, hindi lang tayo nabibigyan ng oportunidad at nasusuportahan.
“Kaya noong ginagawa ko yung Ang Probinsyano at ngayon na Batang Quiapo, sabi ko, kung ano yung masasagad ko, kung ano yung nakikita kong best para sa project na ito, hindi na ako nagho-hold back.
“Ginagawa ko, sinasagad ko na kasi nangangarap ako na sana mapansin din tayo kagaya ng mga indie films natin na napapansin sa abroad. Kahit maliit yung budget, nilalaban tayo sa malalaking film festival at tayo pa yung nananalo,” saad pa ng aktor.
Kaya ang ipinagdarasal daw niya ngayon, “Sana itong Batang Quiapo at yung iba pang shows sa ABS-CBN, at maging sa ibang network, sana this time, sa taong ito tayo naman ang mapansin ng ibang bansa.”
Makakasama rin sa “Batang Quiapo” sina Charo Santos-Concio, Lovi Poe, John Estrada, Cherry Pie Picache, Lito Lapid, Christopher de Leon, Irma Adlawan, Mark Lapid at McCoy de Leon.
Ka-join din sa cast sina Benzon Dalina, Ronwaldo Martin, Jojit Lorenzo, Ping Medina, Mercedes Cabral, Alan Paule, Lou Veloso, Susan Africa, Pen Medina at marami pang iba. Ito’y mula sa direksyon ni Coco at ni Malu Sevilla.
Huwag palampasin ang maaksyong pagbabalik ni Coco sa “FPJ’s Batang Quiapo” gabi-gabi ng 8 p.m sa iba’t ibang platforms ng Kapamilya Network.