Lito Lapid patuloy na binu-bully: ‘Palagi akong inaapi dahil hindi ako nag-aral…ano ang magagawa ko, anak ako ng labandera?!’

Lito Lapid patuloy na binu-bully: 'Palagi akong inaapi dahil hindi ako nag-aral...ano ang magagawa ko, anak ako ng labandera?!'

Lito Lapid

HANGGANG ngayon ay binu-bully pa rin ng mga bashers at haters si Sen. Lito Lapid dahil sa kanyang educational attainment.

Halos tatlong dekada na sa public service ang veteran actor at action star at pagsapit ng 2025 ay matatapos na nga ang kanyang termino bilang senador.

Pero aniya, kahit na nagtatrabaho siya bilang mambabatas ay binabalik-balikan pa rin niya ang showbiz dahil talagang nami-miss niya ang pag-arte sa harap ng mga camera.

“Gustung-gusto ko nga yon. Kasi, yun ang binuhay ko (sa aking pamilya), hindi naman talaga ako pulitiko, e. Unang-una, hindi naman ako nag-aral. High school lang ako.

“Sinasabi ko nga, si Mark (Lapid, panganay niyanga anak), at least, nag-aral nang nag-aral, yun ang parang ano sa akin. Sabi ko sa kanya, ‘Ipaghiganti mo ako, mag-aral ka.’

“Palagi akong inaapi dahil hindi ako nag-aral, di ba? Kahit senator na ako, yun pa rin ang sinasabi sa akin. Parang wala akong alam, yun ang tingin nila sa akin,” pahayag ng beteranong aktor sa isang panayam.

Nabanggit din ng senador na until now ay nabu-bully pa rin siya, pero never daw niyang pinatulan ang mga haters.

“Totoo naman ang sinasabi nila na hindi ako nakapag-aral. Ano ang magagawa ko, anak ako ng labandera? Hindi ako kayang pag-aralin ng nanay ko.

“Siguro yung nagsasabi nun, naiinggit. Narating ko ang ganito kahit hindi naman ako nakapag-aral. Kasi, mahal ako ng Panginoon.

“Hindi ko na lang nga pinapansin. Ang Panginoon, alam ko naman na hindi galit sa akin dahil wala naman akong kasalanan. Wala naman akong inaping tao. Baka naiinggit lang,” aniya pa.


Wala pa naman daw siyang naranasang pambu-bully mula sa mga kapwa senador, “Ay, hindi, hindi, basta magkakaibigan lang kami at pantay-pantay lang kami. Nagpapasalamat ako sa mga kasamahan ko sa Senado dahil malaki ang respeto sa akin.

“Unang-una siguro dahil senior na ako du’n. Isa ako sa senior, kaming dalawa ni Loren (Legarda). Three terms na ako diyan.

“Kung hahabol pa ako sa 2025, fourth term ko na. Sobra-sobra na yon. Sa three terms lang, sobra na ako, di ba?” sabi pa ni Lito Lapid.

Ayon pa sa aktor, iniisip na niyang mag-retire sa politics, “Hindi ko naman talaga iniisip kahit anong habol ko noong araw pa. Mula nung mag-vice governor ako at governor for nine years, hindi ko rin inaano tuwing election.

“Siguro, nararamdaman nila ang totoong pagseserbisyo ko sa kanila. Hindi man ako masalita, hindi man ako kumikibo, yung gawa, nararamdaman nila,” aniya pa.

Natanong din si Sen. Lito kung may plano ba siyang maging Presidente ng bansa, “Ay hindi, hindi ko inisip yon. Kahit nung nag-vice governor ako, kahit senator, hindi ko inisip. Nangyari na lang talaga.”

Lito Lapid umaming hindi marunong makipagdebate sa Senado; ayaw pumatol sa bashers

Lito Lapid shookt sa style ni Direk Brillante Mendoza: Bahala ka sa mga dialogue mo, walang script

Lito Lapid proud tatay sa mga na-achieve ni Ysabel Ortega sa GMA 7: ‘Ang galing na bata! Congratulations, anak!’

Read more...