HINDI bababa sa dalawampung tsuper ang inaresto ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa overloading.
‘Yan ay matapos isagawa ng ahensya ang operasyong tinatawag nilang “anti-overloading” sa Quezon City at Caloocan nitong February 1.
Nakiusap pa si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III sa mga driver ng jeep na sumunod sa batas para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero.
“Ako po ay muling nananawagan sa mga driver at operator ng mga pampasaherong sasakyan na sumunod na lamang po tayo sa batas upang maiwasan po na kayo ay maabala ng husto at maging ng mga pasaherong sakay ninyo,” sey ni Guadiz sa isang pahayag.
Dagdag pa niya, “Prayoridad po natin ang kaligtasan ng bawat isa.
“Mahalaga ang makarating kayo sa inyong destinasyon ng maayos at pabalik sa inyong pamilya na ligtas.”
Ibinalita rin ng LTFRB na mula nang ipinatupad nila ang “anti-overloading” ay apat na beses na silang naglipat ng mga pasahero sa ibang sasakyan.
Bukod diyan ay may mga nahuli rin silang walong tsuper na hindi nakasuot ng uniporme, apat na may sirang brake lights, dalawang units na walang nakapaskil na “fare matrix” o ‘yung presyo ng pamasahe at ang isa naman ay walang naka-display na Certificate of Public Convenience (CPC).
Ang mga pasaway na tsuper ay binigyan ng “violation tickets” at multa na P5,000.
Read more: