Ex-child star na si Mutya Orquia umaming hiyang-hiya nang makatrabaho uli si Zaijian Jaranilla: ‘Kuya-kuya ko po kasi siya dati’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Zaijian Jaranilla at Mutya Orquia
KALOKA! Feel na feel ng ilang veteran entertainment writers and editors ang pagtanda nang makita at makachika ang mga dating child stars na sina Zaijian Jaranilla at Mutya Orquia! Ha-hahahaha!
E, kasi nga, binatang-binata at dalagang-dalaga na ang mga bagets at magka-loveteam pa nga ngayon sa malapit nang magtapos na Kapamilya series na “Darna.”
Grabe talaga ang bilis ng pagtakbo ng panahon, di ba? Parang kailan lang nu’ng humarap sina Zaijian at Mutya sa press na batang-bata pa at walang kamuwang-muwang sa mundo pero ngayon ay luma-loveteam na nga.
Unang nakilala si Mutya sa hit TV series na “Mutya” at “Be Careful With My Heart” na pinagbidahan nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap habang sumikat naman nang todo si Zaijian bilang Santino sa “May Bukas Pa.”
Humarap sina Zaijian at Mutya sa finale presscon ng “Darna” nitong nagdaang Lunes kung saan natanong nga sila kung paano sila nag-adjust bilang mga teenager na ang kanilang karakter sa seryeng pinagbibidahan ni Jane de Leon.
Inamin ni Mutya na may shy factor sa pagganap niya bilang Trisha sa “Darna” dahil nga magkakaroon sila ng “something” sa kuwento ni Zaijian bilang si Ding.
“Nahihiya po ako kasi noon super kuya-kuya ko siya. Kuya po talaga ang tingin ko sa kanya before, eh. Ngayon hindi pwedeng ganoon ‘yung tingin ko sa kanya sa screen.
“Kailangan parang tropa po ‘yung tingin ko sa kanya sa screen,” chika ng dalagita.
Dagdag pa ni Mutya, “Medyo na-relax din po ako kasi nakikipag-communicate rin po siya. Hindi po siya ‘yung ‘ah kaya mo na ‘yan, bahala ka, may sarili ako.’ Kumbaga sinasabi niya kung may suggestion din po siya sana.”
Sabi naman ni Zaijian, “Metikuloso po ako sa mga eksena kasi kung ano po ‘yung sinabi ni direk, ‘yun ‘yung gagawin.
“Siguro ‘yung working relationship namin ni Mutya, ako rin hindi nahirapan kasi nagkasama na kami sa ‘Ikaw Ay Pag-ibig.’ ‘Yung communication po talaga sobrang importante ‘yun,” aniya pa.