Vice laging talo kapag nag-aaway sila ni Ion: ‘Talak ka nang talak siya hindi sumasagot, mas lalong nakakapikon ‘yun’
By: Alex Brosas
- 2 years ago
Ion Perez at Vice Ganda
AMINADO ang “It’s Showtime” host na si Vice Ganda na hindi walk in the park ang pagsasama nila ng dyowang si Ion Perez.
Sa kanyang interview sa “Iskovery Night” YouTube channel ni former Manila Mayor Isko Moreno ay aminado si Vice Ganda na nag-aaway rin sila ni Ion.
“Kamusta kayo ni Ion?” tanong ni Isko kay Vice Ganda.
“Okay naman kami, masaya kami, masayang-masaya kami,” sagot ni Vice Ganda.
“Masaya kami, mapayapa, pero although hindi naman siya perfect. Marami kaming mga pinagdadaanan, nagtatalo rin kami. Ang pinakaswerte ko never pa kaming nag-away ‘yung malalang away,” say ni Vice.
Say pa ng TV host, magkaiba ang pag-deal sa pag-aaway ng isang lalaki at babae or for that matter, ng isang lalaki sa karelasyon niyang beki.
“’Di ba kayong mga lalaki hindi kayo ‘yung nag-e-engage sa problema as much as possible. Pupunta kayo sa ano, magdyi-gym kayo or magba-basketball kayo. Kapag iritado kayo, hindi kayo nakikipag-usap.
“Eh, ang mga girls at saka ang mga bakla, kapag may problema gusto pinag-uusapan,” paliwanag niya.
Sa kaso nila ni Ion, ang feeling niya ay talo siya dahil habang talak siya nang talak ay wala namang kibo ang kanyang dyowa.
“Talung-talo ka. Talak ka nang talak siya hindi sumasagot. Mas lalong nakakapikon ‘yun. So, talo ka doon. So, antayin mo ‘yung time na okay na siya tapos puwede n’yo pag-usapan. Sa ngayon, hindi na pinag-uusapan. ‘okay na ‘yun. Mainit ka lang kanina, mainit din ako,’” say niya.