Jennylyn umaming hindi na-enjoy ang motherhood sa first baby; Dennis proud sa blended family

Jennylyn umaming hindi na-enjoy ang motherhood sa first baby; Dennis proud sa blended family

Jennylyn Mercado, Dennis Trillo at Baby Dylan

BALIK-TAPING na si Jennylyn Mercado ngayong darating na Marso para sa nabinbing TV series niya sa GMA 7 na may titulong “Love. Die. Repeat” na ididirek ni Irene Villamor.

Matatandaang na-pack-up ang taping ng nasabing serye noong 2021 dahil sa emergency situation noon ng aktres na itinakbo pa sa hospital.

At nang malamang buntis ay nagdesisyon ang management na ihinto muna ang taping at saka na lang magre-resume kung kailan ready nang bumalik ang aktres.

At dahil malaki naman na si Baby Dylan na magdiriwang ng unang kaarawan sa Abril, tingin ni Jennylyn at ng asawang si Dennis Trillo ay puwede nang maiwan ang anak sa nanny nito. Wala namang nabanggit sa amin kung lock-in shoot pa rin ang “Love. Die. Repeat.”

Samantala, na-feature ang mag-asawang Dennis at Jennylyn sa isang magazine na may temang  blended family bilang may mga anak na sila sa mga dati nilang partners bago sila ikinasal.

Ang anak na si Jazz kay Patrick Garcia ay nasa pangangalaga ni Jennylyn samantalang co-parenting naman sina Dennis at Carlene Aguilar-Ocampo sa anak nilang si Calyx Andreas na kinse anyos na ngayon.


Maraming humahanga sa magandang set-up nina Dennis at Jennylyn lalo’t very close sina Calyx at Jazz na tunay na magkapatid na talaga ang turingan.

“Hindi na nila kailangang mag-isip ng iba. A blended family is like a regular and normal family. May mga ibang normal family pero medyo dysfunctional sila. Sa amin, kahit blended kami at modern ang setup, we see to it na masaya ang bawat isa and talagang solid kahit ano pang tawag diyan,” say ni Dennis.

Ayon naman kay Jen, “Para silang sabay lumaki. Nagkikita sila kahit nu’ng hindi pa kami magkasama sa isang house.”

At ngayong may baby sister na ang dalawang kuya, sabi ni Dennis, “Feeling ko ngayon pa lang, magiging protective kuya si Calix. Lalo na nag-iisang babae lang. And malalaki na ang mga kuya niya, so, meron siyang dalawang bodyguard. May dalawa na siyang protector at tagapagtanggol pag inaapi siya.”

Pareho ring disciplinarian ang  DenJen. “Ako sa aspeto ng pagpapalaki. Ako ‘yung mas mahigpit. Hindi naman ako naninigaw pero parang mas kinakausap ko sila na parang adult,” katwiran ng aktres.

“Pag kakausapin mo sila, make sure na mas maiintindihan nila. Straight to the point palagi. Hindi ka magpapaligoy-ligoy. Maging truthful ka at alam nila agad na tama and positive yung tinturo mo sa kanila,” paliwanag ni Dennis.

Sabi pa ng wifey ng aktor, “Meron sa mga bata na critical stage, the formative years. Ito ‘yung dapat nila kailangan tutukan at gabayan. Kailangan nila bigyan ng time kahit sobrang busy nila.”

Naikuwento rin ni Jennylyn sa panayam nila sa Modern Parenting na nae-enjoy niya ngayon ang magiging mommy ni Baby Dylan dahil hindi niya ito naranasan noon sa panganay niyang si Jazz.

“Mas binibigyan ko pa ng time ‘yung motherhood, si Dylan, and ‘yung family. Nu’ng first time ko magkaroon ng baby, si Jazz, hindi ko masyadong na-enjoy ‘yung motherhood.

“Kasi parang two months pa lang, kailangan ko bumalik sa work. So, this time, sabi ko hindi ko pwede gawin iyon ulit. Kailangan ko muna mag-focus sa motherhood,” paliwanag pa niya.

Naalala naman ni Dennis na noong buntis ang misis niya ay nasa work siya, “Talagang mahirap kapag mag-isa ka lang. Lalo na ‘yung times na buntis si Jen at kailangan ko mag lock-in.

“Mahirap dahil inaalala mo ang asawa mo na kailangan din ng kasama at nakaka-guilty na wala ka doon. Gusto ko makapag-rest ng kaunti at mag-focus sa baby and sa family. Sana magawa ko iyon,” say ni Dennis.

Dennis Trillo bumilib kay Jennylyn Mercado: Kaya mo lahat!

Andrea humiling ng blender kay Seth na nagkakahalaga ng P50k

Jennylyn bibida pa rin sa ‘Love, Die, Repeat’; balik taping pagkatapos ang panganganak

Read more...