KASALUKUYANG nasa ilalim ng “State of Calamity” ang probinsya ng Samar.
‘Yan ay dahil sa matinding pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng patuloy na pag-ulan.
Ayon sa Provincial Risk Reduction Management Council, apektado ng mga pag-ulan noong January 9 hanggang 14 ang mga siyudad ng Calbayog at Catbalogan, pati na rin ang 24 munisipalidad.
“Whereas, initial reports indicated that 214,160 individuals were directly affected by flooding and landslides in their respective local governments, which corresponds to 27% of the total population of the province,” saad sa parte ng resolusyon ng probinsya.
Tinataya ring 20,000 na mga pamilya ang apektado dahil sa kalamidad.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, nasa 793,183 ang kabuuang populasyon ng Samar noon pang 2020.
Nauna nang nagdeklara ng State of Calamity ang mga bayan ng Basey, Gandara, San Jorge, at siyudad ng Calbayog.
Samantala, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nakakaapekto sa maulang panahon ang “shearline” sa Southern Luzon at Visayas.
Partikular na riyan ang Bicol region, Quezon, Marinduque, Romblon, Aklan, Capiz, at Northern Samar.
“Patuloy ang pag-uulan sa malaking bahagi po ng Southern Luzon and Visayas, dahil yan sa shear line, yung linya kung saan nagtatagpo ang northeast monsoon at yung mainit na hangin mula sa Dagat Pasipiko, so asahan pa rin ‘yung minsan na malalakas na pag-ulan sa mga nabanggit ko na lugar,” sey ni PAGASA weather specialist Benison Estareja.
Ang magandang balita naman ay walang bagyo ang inaasahan sa bansa hanggang sa darating na weekend.
Related chika:
Gina Lopez naalala ng isang konsehal sa Palawan dahil sa matinding pagbaha