Kim Molina nag-explain kung bakit laging naiiyak kapag nakikita si Regine Velasquez
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Kim Molina at Regine Velasquez
NAGPALIWANAG ang Kapamilya actress-singer na si Kim Molina kung bakit hindi niya mapigilan ang maiyak kapag nakikita niya si Regine Velasquez.
Tulad na lang nang mag-guest siya sa morning show ng ABS-CBN na “Magandang Buhay” kung saan isa nga sa mga host ang Asia’s Songbird kasama sina Jolina Magdangal at Melai Cantiveros.
Chika ng komedyana, talagang hindi raw niya mapigilan ang kanyang sarili na maiyak dahil bukod sa idol na idol niya si Regine ay nagsilbi rin itong inspirasyon sa kanya para abutin ang kanyang mga pangarap.
At nito ngang nakaraang Biyernes, muling napaluha si Kim dahil sa pagkikita nila ni Regine sa “Magandang Buhay” kung saan nag-promote sila mg kanyang dyowang si Jerald Napoles ng pelikula nilang “Girlfriend Na Pwede Na” under Viva Films.
Nu’ng una ay wala pa ang Songbird sa programa pero naiiyak na si Kim habang ngkukuwento kung paanong naging inspirasyon niya si Regine sa pagkanta.
“Kasi sobrang inspiration ko siya, naiiyak ako. Kasi naalala ako nu’ng bata ako tinuturuan ako ni daddy tapos lagi kaming magkaaway ni daddy kasi hindi ko maabot (yung tono),” sey ng aktres.
Dito na biglang pumasok sa studio si Regine kaya naman tuluyan nang napaiyak si Kim. Aniya, tulad daw ng Songbird, ang tatay din niya ang nakasama niya sa pagtupad sa kanyang pangarap na maging singer.
Talagang nagtiyaga rin itong hasain siya sa pagkanta hanggang sa makapasok na nga siya sa mundo ng showbiz.
Natupad din ang isa sa mga pangarap niya na maka-duet ang kanyang idol. Kinanta nila ni Ate Regs ang awiting “To Reach You.”
Samantala, mapapanood na sa mga sinehan simula sa January 18 ang pelikula nila ni Jerald na “Girlfriend Na Pwede Na” na mula sa direksyon ni Benedict Mique, na isa rin sa mga direktor ng “Darna.”
Sa nasabing movie, sasagutin ang tanong na, “para makapag-settle down, willing ka bang magsettle for less? O magiging matapang ka ba at tatalikuran ang nakakapagod at nakakaubos na relasyon dahil alam mong mas deserve mo ng more?”
Kilalanin si Pam (Kim), ang girlfriend na pwede na, hindi sobra, hindi kulang, sakto lang.
Isang dalagang nasa late 20s, matagal na nitong pangarap na i-level up sa next chapter ang buhay niya at magpakasal sa longtime boyfriend na si Jiggs (Gab Lagman), pero kahit na pitong taon ng magkarelasyon, kahit kailan ay hindi nagpahiwatig si Jiggs na mag-propose kay Pam.
Hindi pala sigurado ang binata kung si Pam na ba ang babaeng nakalaan para sa kanya. Malalaman ni Pam ang dahilan ni Jiggs, maiinsulto at masasaktan ito at makikipagbreak sa boyfriend, pero pagsisisihan niya rin agad dahil alam niya sa sariling mahal pa rin niya ‘to.
Sa halip na mag-move on, iisip ng plano si Pam para magkabalikan sila ni Jiggs at marealize nito na si Pam ang nakatadhana para sa kanya.
Sa tulong ng mga kaibigan, hahanap sila ng perfect guy na pagseselosan ni Jiggs. Dito nila makikilala si Isko (Jerald), isang Buko Juice vendor, na sa kapalit ng malaking halaga ay papayag na magpanggap at maging perfect boyfriend ni Pam.
Pero ang fake at pilit na relasyon ng dalawa ay magiging masayang pagsasama dahil magkakasundo ang humor ni Pam at Isko, marami ring magiging similarities ang ugali nilang dalawa. Mapapansin naman ni Jiggs at ng mga kaibigan ni Pam ang pagbabago sa dalaga pati na ang closeness nila ni Isko.
Dito na magsisimulang magselos si Jiggs at susubukan muling makipagbalikan kay Pam. Eto na sana ang perfect ending na hinahangad ni Pam na aayon sa mga plano niya, pero mag-iiba ang ihip ng hangin dahil napalapit na ang loob nito kay Isko at baka nga nahuhulog na rin ang loob nito sa binata.
Pipiliin ba ni Pam ang pamilyar na siya at kilala na ng puso niya? O ang bagong dating na nagpapasaya sa kanya? Si Jiggs pa rin ba ang gusto niyang pakasalan? O nabago na ba ni Isko ang isip niya?