Miss USA R’Bonney Gabriel na may lahing Pinoy waging Miss Universe 2022
By: Armin Adina
- 2 years ago
Miss Universe 2022 R’Bonney Gabriel mula sa USA
HINIRANG bilang 2022 Miss Universe si R’Bonney Gabriel mula USA sa pagtatapos ng ika-71 edisyon ng patimpalak na itinanghal sa Ernest N. Morial Convention Center sa New Orleans, Louisiana, sa Estados Unidos sa Enero 14 (Enero 15 sa Maynila).
Dinaig ni Miss USA (na may lahi ring Filipino) ang 82 iba pang kalahok upang tanggapin ang titulo mula kay 2021 Miss Universe Harnaaz Sandhu, ang ikatlong reyna mula India na nasungkit ang titulo sa ika-70 edisyon ng patimpalak na itinanghal sa Israel noong Disyembre 2021.
Isa na ngayon si Sandhu sa pinakamatagal na nagreyna bilang Miss Universe sa kasaysayan ng patimpalak, taglay ang korona nang mahigit isang taon. Walang itinanghal na patimpalak noong nagdaang taon. Itinuturing na edisyon para sa 2022 ang pagtatanghal sa New Orleans.
Miss USA R’Bonney Gabriel (Photo from ABS-CBN)
Hinirang naman bilang first runner-up sa katatapos na patimpalak si Miss Venezuela Amanda Dudamel habang second runner-up si Miss Dominican Republic Andreina Founier.
Nabigo ang pambato ng Pilipinas na si Celeste Cortesi na makausad sa semifinals, at tinapos ang 12-taong walang-patid na pagpuwesto ng bansa sa Miss Universe pageant na nagsimula noong 2010 sa pamamagitan ni Venus Raj na nagtapos bilang fourth runner-up sa patipalak na itinanghal sa Las Vegas, Nevada, sa US noong taong iyon.
Maituturing ring transisyon para sa Miss Universe Organization (MUO) ang pagtatanghal ngayong buwan, makaraang bilhin ni Thai media mogul Anne Jakapong Jakrajutatip ng Bangkok-based na JKN Global Group ang buong organisasyon noong Oktubre, at lahat ng mga patimpalak sa ilalim ng organisasyon—ang Miss Universe, Miss USA, at Miss Teen USA.
Sa isang espesyal na bahagi ng palatuntunan, iginawad ni Jakrajutatip ang ImpactWayv Leadership Award sa kababayang si Anna Seuangam-iam, na tinukoy niya bilang “daughter of a garbage collector, worked her way to the top, and became Miss Universe Thailand.” Napili siya sa isang botohan online.
Bilang unang babae at hindi-Amerikanong nagmay-ari sa MUO, sinabi rin ni Jakrajutatip, “for 70 years, the Miss Universe has been run by men, Now the time is up! The moment has come for women to really take the lead.”
Pagpapatuloy pa niya: “Welcome to the [MUO]. From now on, it’s gonna be run by women, by a trans woman, for all women around the world to celebrate the power of feminism, diverse cultures, social inclusion, gender equality, a force for good, and a force of beauty for humanity.”
Sa ngayon, mga babae ang may hawak ng pinakamatataas na posisyon sa MUO. Kasama ni Jakrajutatip sina CEO Amy Emmerich at President Paula Shugart. Mga babae rin lahat ang inampalan sa nagdaang patimpalak, at kabilang dito ang US-based Filipino skincare expert na si Olivia Quido-Co.
Mga babae rin ang bumuo sa on-camera hosting team, kabilang si 2018 Miss Universe Catriona Gray mula Pilipinas na nagsilbing backstage commentator.
Samantala, nagbalik ang Pilipinong si Jojo Bragais bilang official footwear provider ng Miss Universe pageant. Inirampa ng mga kandidata ang sapatos niyung “Maureen” na halaw sa Pilipinang beauty queen na si 2021 Miss Globe Maureen Montagne.
Inaasahan na ang maikling pagrereyna ng bagong nagwagi, sapagkat inaasahang itatanghal ang 2023 Miss Universe pageant, ang ika-72 edisyon ng pandaigdigang patimpalak, sa loob ng kasalukuyang taon. Binanggit ni Jakrajutatip sa isang panayam ng Thai media na may mga host country na para sa 2023, 2024, at 2025, at tatagal nang isang buwan ang patimpalak sa mga nasabing edisyon.