Lexi, Elijah, Hailey napasabak sa matinding dramahan sa TV remake ng ‘Underage’; nagbabala sa paggamit ng social media
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Lexi Gonzales, Elijah Alejo at Hailey Mendes
BUKAS na magsisimula ang pinakaaabangang bagong drama series ng GMA 7 na “Underage”, ang TV remake ng classic blockbuster ’80s movie ng Regal Films.
Sa original version nito, bumida ang mga movie icons na sina Dina Bonnevie, Snooky Serna at Diamond Star Maricel Soriano na naging daan para makilala sila bilang mga tunay na best actress ng kanilang henerasyon
At sa pagsasalin nga ng bagong version ng nasabing pelikula sa telebisyon, bibida naman ang tatlo sa most promising Kapuso young actress ngayon — sina Lexi Gonzales, Elijah Alejo at Hailey Mendes.
Sila ang mga makakasama ng mga manonood sa pasabog na modern-day coming of age series na “Underage” sa GMA Afternoon Prime simula Lunes, January 16.
Humarap sa entertainment media ang tatlong “Underage” stars kasama ang iba pang cast members sa pamamagitan ng isang online presscon.
Isa sa mga naitanong kina Lexi, Elijah at Hailey kung anu-ano ang mga realizations nila matapos gampanan ang kani-kanilang karakter sa programa.
Sabi ni Lexi, isa sa tumatak sa kanya habang ginagawa ang serye ay ang kahalagahan ng pagiging panganay sa pamilya tulad ng role niya sa kuwento.
“Dahil sa Underage, mas lalo kong na-realize ‘yung importance and ‘yung strength ng isang panganay. Iba ‘yung bunso, iba ‘yung gitnang anak, lalo na kapag big family talaga na marami kayong magkakapatid.
“Yung panganay ‘yung parang nagba-bind sa lahat ng mga kapatid, and I felt like it is really my job and it is really my part bilang Celine sa Underage. And mas nabigyan ko ng importance ‘yung pagiging panganay ko rin in real life,” pahayag ng “StarStruck Season 7″ First Princess.
Sey naman ni Elijah, natutunan niya na hindi dapat sinasarili ang mga problema, “If you’re sad, you can message a friend, you can message your siblings, or if alam mong may matindi kang pinagdaraanan na alam mong hindi mo kakayanin mag-isa, maraming puwedeng tumulong sa ‘yo and mag-pray ka lang din kay God.”
Dagdag ng dalaga, kailangang mas maging maingat sa paggamit ng social media na isa sa mga tatalakayin sa “Underage.”
“Hindi mo kailangan kasi maging dependent sa social media para lang mahanap ‘yung happiness mo, e, kasi you have people there, mga kapatid mo, ‘yung family mo, ‘yung nanay mo, nandiyan for you. So, hindi lahat ng tao sa social media mapagkakatiwalaan mo.”
Para naman kay Hailey, pinakamahalaga pa rin ang pagmamahal sa pamilya, respeto sa mga magulang at ang pagiging matapang
“Sundin sila kasi mas alam nila ‘yung tama para sa ‘yo at ‘wag padalos-dalos sa mga desisyon kasi hindi mo alam ‘yung buong scenario kaya ‘wag ka magdesisyon kaagad. At natutuhan ko rin po maging matapang kasi si Carrie po, lagi po siyang palaban.
“E, ako pa naman po, in real life, talagang iyakin po ako kahit masaya, malungkot. Mababaw po ang luha ko pero dahil kay Carrie (karakter niya sa serye) po, mas na-practice ko ‘yung sarili ko na kaya ko ito. Kaya kong sabihin ‘yung gusto ko, kaya kong gawin ‘yung gusto ko, alam ko ‘yung gagawin ko,” paliwanag ng dalaga.
Iikot ang kuwento ng “Underage” sa tatlong magkakapatid na sina Celine (Lexi), Chynna (Elijah), at Carrie (Hailey) na sa murang edad ay mapapasabak na sa matitinding pagsubok ng buhay.
Mas lalo pang lalala ang kanilang mga problema nang mag-viral sa social media ang video nilang magkakapatid na maglalagay sa kanila sa masalimuot at magulong sitwasyon.
Ang world premiere ng “Underage” ay magaganap na sa January 16 sa GMA Afternoon Prime. Makakasama rin dito sina Snooky Serna, Sunshine Cruz, Jean Saburit, Yayo Aguila, TJ Trinidad, Christian Vasquez, Jome Silayan, at Vince Crisostomo.