RUMAMPA na nang bonggang-bongga ang bet ng Pilipinas sa Miss Universe 2022 preliminary competition na si Celeste Cortesi.
Pak na pak ang performance ng Pinay beauty queen sa ginanap na Swimsuit at Evening Gown rounds kung saan ibinandera niya ang mga natutunan sa ilang buwang pasarela training.
Ang Miss Universe preliminary competition ay idinaraos ngayon sa New Orleans, Louisiana ngayong araw (Miyerkules sa US at Huwebes sa Pilipinas).
Suot ang kanyang pink bikini at puting cape with colorful handprints, rampa kung rampa si Celeste sa stage kung saan nasa harap niya ang all-female panel of judges.
Ayon sa mga pageant fans, ang swimsuit round ang itinuturing na isa sa mga strength ni Celeste dahil siya rin ang nagwagi ng Best in Swimsuit sa Miss Universe Philippines 2022.
Samantala, winner na winner din ang dalaga sa pagrampa niya on stage sa suot na evening gown sa Miss Universe preliminary competition.
Standout muli ang kandidata ng Pilipinas with her sky blue gown mula sa designer na si Oliver Tolentino. May pagkakahawig ito sa isinuot niyang gown sa coronation night ng Miss Universe Philippines 2022.
Ayon kay Celeste, ang pangalan niya ay mula sa Italian word na ang ibig sabihin ay “sky blue.”
Sa Instagram account ni Oliver Tolentino, na isang Filipino designer na naka-base sa Beverly Hills, makikita up close ang preliminary gown ni Celeste na pinusuan naman ng libu-libong netizens.
Ang grand coronation ng 71st Miss Universe ay nakatakdang ganapin sa January 14 (January 15 sa Pilipinas).
Related chika:
84 kandidata magtatagisan sa Miss Universe preliminary competition