MAY panawagan sa mga kaibigan, fans, supporters at pamilya si Miss Universe 2018 Catriona Gray para sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan.
Sa January 6 na ang 29th birthday ng beauty queen-actress at imbes na magkaroon siya ng bonggang party ay nais nalang niyang tumulong sa mga mahihirap na bata.
Dahil diyan ay muli siyang naglunsad ng isang fundraising activity para sa mga batang may cleft condition.
Sa Instagram, sinabi niyang nais niyang mag-donate sa “Smile Train Philippines,” isang international children’s charity na nagbibigay ng libreng cleft repair surgery.
Sey ni Queen Cat sa video, “Hey friends! My birthday is coming up and once again, I want to encourage my friends and supporters to share their blessings not in the form of gifts but in the form of donations, specifically in giving the Filipino children the opportunity to smile.”
“Once again, this year I will be fundraising to support Smile Train Philippines who offers free and comprehensive cleft care and treatment because every child deserves to live a happy, healthy life,” aniya.
Base sa donation website na ibinigay ng beauty queen, ang target niya ngayong taon ay makalikom ng P300,000 at as of this writing ay mayroon na siyang P19,400.
Ang nasabing donation drive ay matatapos sa January 13.
Matatandaang simula nang makoronahang Miss Universe si Queen Cat noong 2018 ay taon-taon na siyang naging beneficiary ng nasabing organisasyon.
Bukod sa Smile Train, tumutulong din ang Filipino-Australian beauty queen sa non-government organization na Young Focus na nagbibigay-edukasyon naman sa mga pinakamahirap na bata sa Pilipinas.
Nitong pasko lamang ay hindi bababa sa isang libong pamilya sa ilalim ng Young Focus ang nabigyan ng Christmas food package ni Catriona.