Juday handang-handa na sa Year of the Water Rabbit: ‘Cheers to you 2022…bring it on 2023!’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Judy Ann Santos
FEELING blessed and thankful ang Soap Opera Queen na si Judy Ann Santos dahil sa dami ng mga natutunan at na-achieve niya nitong nagdaang 2022.
Napakarami raw niyang dapat ipagpasalamat sa Diyos dahil patuloy pa rin ang pagtanggap niya ng blessings at ng kanyang pamilya sa kabila ng mga pagsubok at problemang dumarating sa kanyang buhay.
Sabi ni Juday, kahit na may mga challenges ay nananatili pa ring buo ang kanyang pamilya at patuloy na nae-enjoy ang maayos, malusog at simpleng buhay.
Last Tuesday, January 3, nagbahagi ang Kapamilya actress at TV host ng ilang litrato sa Instagram na kuha sa pagsalubong ng kanilang pamilya sa 2023.
Aniya sa caption, hinding-hindi niya kakalimutan ang lahat ng life lessons na itinuro sa kanya ng nagdaang taon lalo na ang mga bonggang milestones na nangyari sa kanya at sa kanyang pamilya.
“Looking back to 2022 with a grateful heart… to finally be able to spend time with family and friends… celebrate our children’s bdays… travel… create more core memories to look back to… and the chance to share our blessings,” pahayag ni Juday.
Dugtong pa niya, “Thank you Lord for the gift of health, love, family, and real friends… cheers to you 2022… thank you for all the learnings… Bring it on 2023!”
Makikita sa mga IG photos ni Juday kung gaano sila kasaya ni Ryan habang ipinagdiriwang ang pagpasok ng Bagong Taon with their three kids — Yohan, Lucho, and Luna.
Hindi naman nabanggit ni Juday sa kanyang post kung sa bahay lang sila nag-New Year o sa ibang lugar.
Ikinasal sina Ryan at Judy Ann sa Batangas noong April, 2009 at sa ngayon ay 13 years na silang nagsasama bilang mag-asawa.