4 miyembro ng ‘Basag-Kotse Gang’ na nambiktima kina Loisa at Ronnie arestado
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Loisa Andalio at Ronnie Alonte
HIMAS-REHAS ngayon ang ilang miyembro ng Basag-Kotse Gang na nambiktima sa celebrity couple na sina Loisa Andalio at Ronnie Alonte kamakailan.
Arestado ang mag-asawang negosyante sa loob ng kanilang bahay sa Lessandra Heights, Molino IV, Bacoor City, Cavite, at dalawa pa nilang kasamahan matapos mabuking ang mga modus operandi nila sa Laguna at mga kalapit probinsya.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Albert Santos, ang misis nitong si Remy, Joey Masayo at isa pang hindi tinukoy ang pangalan.
Pahayag ni Col. Christopher Olazo, Cavite police director, nahuli ang mga suspek matapos mabiktima si Atty. Henry Salazar, ang city administrator ng San Pedro City Hall.
Aniya, ang nasabing grupo rin ang nambasag sa kotse nina Ronnie at Loisa habang naka-park sa isang lugar sa Barangay Molino 4, Bacoor City, noong November 30, 2022.
Base sa report, humingi ng tulong sa mga operatiba ng Bacoor Police si Atty. Salazar matapos mabiktima ng naturang sindikato. Sinabi niya sa mga pulis na pwede pa niyang i-track ang kanyang laptop na ninakaw sa pamamagitan ng air tag location device sa area ng Bacoor.
Kasunod nito, naglunsad agad ng follow-up operation ang pulisya hanggang sa mahuli ang mag-asawang suspek habang sakay ng kanilang SUV (Toyota Fortuner, NDI-9858) na nasa loob pa ng kanilang bahay.
Bukod sa MacBook Air laptop na pag-aari ng biktima ay narekober din mula sa mga suspek ang iba pang tablet at dalawang baril.
Kung matatandaan, binasag ng mga suspek ang Jeep Wrangler Wagon (NBP-2369) nina Loisa at Ronnie habang naka-park sa harap ng isang building sa Molino Road, Barangay Molino 3, Bacoor City, noong November 30.
Nadiskubre na lamang ng celebrity couple na basag na ang kanang windshield ng kanilang sasakyan at nawawala na ang ilang gamit nila na naroon kabilang na ang pag-aari nilang mga gadgets.