BAGO matapos ang taong 2022, nais balikan ng BANDERA ang milestone ng ilang Filipino artists na kung saan ay binigyan sila ng pagkilala sa iba’t ibang international film festival.
Dito kasi napatunayan na pang-world class ang talento ng mga Pinoy at kayang-kayang makipagsabayan ng Pilipinas sa ibang bansa pagdating sa paggawa ng pelikula at teleserye.
VINCE RILLION
Pinarangalan bilang “Best Actor” ang sexy actor na si Vince Rillion sa 19th Asian Film Festival na ginanap sa Rome, Italy noong April 12.
Ito’y para sa natatangi niyang pagganap sa pelikulang “Resbak” na idinirek ng internationally-acclaimed and award-winning filmmaker na si Brillante Mendoza.
Sa isang online mediacon ni Vince, naikuwento niya ang naging experience niya pagtanggap ng kanyang award.
“Nu’ng nasa Rome ako, hindi ko ma-feel. Nang umuwi po ako sa Pilipinas, du’n ko na naramdaman na ang sarap po pala. Speechless po kasi ako nu’ng araw na yun. Hindi ako makapaniwala,” pahayag ng binata.
KYLIE VERZOSA
Naiuwi ni Miss International 2016 at aktres na si Kylie Verzosa ang “Best Actress of the Year” mula sa Dubai International Arab Festival Awards (DIAFA).
‘Yan ay para sa kanyang pagganap sa Philippine adaptation ng 2010 South Korean hit thriller na “The Housemaid.”
Nangyari ang awards night noong November 4 sa Dubai Creek Harbour Marina sa United Arab Emirates.
Ibinandera pa ni Kylie ang memorable moment sa ilang posts sa Instagram at parehong may nakalagay sa caption na, “Dreams do come true.”
Proud din niyang binanggit sa isang post na lubos niyang ikinararangal na muling irepresenta ang Pilipinas.
Saad niya, “Such an honor to represent you again (Philippine flag emoji) (white heart emoji)”
Ang “The Housemaid” ay tungkol sa isang katulong na nasangkot sa “family affair” ng kanyang pinagsisilbihang mayamang pamilya.
Tampok rin sa pelikula sina Jaclyn Jose, Albert Martinez, Alma Moreno, at marami pang iba.
COLEEN GARCIA
Kinilala namang “Best Actress” si Coleen Garcia sa El Grito International Fantastic Film Festival na naganap sa bansang Venezuela.
Ang pagkilala kay Coleen ay para sa kanyang pagganap sa horror movie na “Kaluskos.”
Ayon sa kanya, ang natanggap niyang panalo ay isang napakalaking karangalan.
ikinuwento naman ng direktor ng pelikula na si Direk Roman na nalaman niya ang magandang balita matapos makatanggap ng email mula sa film festival sa Venezuela.
Lahad sa screenshot post ng direktor, “The jury made up of Lina Duran (director of the Insolito Festival), Hernan Moyano (producer and director), and Cristian Jaramillo (director of the Fantasmagoria Festival) have awarded Coleen Garcia the best actress award.”
“From the organization we want to congratulate you on these well- deserved recognitions, it is an honor to have had your participation and include your work in our catalog of winners,” saad pa sa email ng film fest.
Ito na ang ikalawang international award na nakakuha ng pagkilala si Direk Roman para sa kanyang pelikula.
Una na riyan ang naiuwing “Best Actress of the Year” ng beauty queen-actress na si Kylie Verzosa mula sa Dubai International Arab Festival Awards (DIAFA).
LAV DIAZ
Nakuha ni Direk Lav Diaz ang “Special Jury Prize” sa 53rd International Film Festival para sa kanyang drama film na may titulong “Kapag Wala Nang Mga Alon.”
Ito ay pinagbibidahan ng award-winning actor na si John Lloyd Cruz.
Nakapanayam ng Inquirer Entertainment ang direktor tungkol sa kanyang latest achievement at sinabi niya na bukod sa nakuhang panalo, ang pinakamahalaga sa kanya ay ‘yung iniiwang mensahe ng mga ginagawa niyang pelikula.
Sey ni Direk Lav, “The award is merely a bonus. You don’t ask for one or expect people to give it to you.”
“You should let your work speak for itself. When you receive one, this means people realized the value of your work so you say thanks,” aniya.
Ang film festival sa India ay nangyari noong November 20 hanggang 28.
Umiikot ang istorya ng “Kapag Wala Nang Mga Alon” sa buhay ni Lt. Hermes Papauran na may matinding karamdaman.
JODI STA. MARIA
Itinanghal bilang “Best Actress” si Jodi Sta. Maria sa Asian Academy Awards na nangyari nitong December 9 sa Singapore.
Ang pagkilala kay Jodi ay dahil sa kanyang pagganap sa teleseryeng “The Broken Marriage Vow,” isang Philippine adaptation mula sa British series na may titulong “Doctor Foster.”
Perosnal na tinanggap ni Jodi ang kanyang award at ayon sa kanya, ito ang highlight ng kanyang career.
Sey niya sa kanyang speech, “I will always say that it takes a privilege to be able to produce a wonderful series. Again, thank you because [this is] the highlight of my career. Thank you, thank you. God I give you back all the glory and praise. Thank you!”
Hindi ito ang unang beses na may napalanunan sa ibang bansa ang “The Broken Marriage Vow” dahil naiuwi rin nito ang “Best Format Adaptation (Scripted)” sa ContentAsia Awards 2022 na naganap sa Bangkok, Thailand noong Agosto.
DOLLY DE LEON
Nitong December 12, nagwagi ng “Best Supporting Performance” sa Los Angeles Film Critics Association Awards sa Amerika ang Pinay aktres na si Dolly De Leon.
Ang nakuhang award ni Dolly ay dahil sa ginampanan niyang role bilang Pinay overseas worker sa isang luxury yacht.
Ang “Triangle of Sadness” ay mula sa direksyon ng Swedish director na si Ruben Ostlund.
Sa husay na ipinakita ni Dolly sa nasabing pelikula ay may posibilidad na ma-nominate siya sa Oscars 2023.
SEAN DE GUZMAN
Dalawang “Best Actor” award naman ang nakuha ni Sean De Guzman sa ibang bansa.
Una siyang nanalo sa CHITHIRAM International Film Festival sa India at sumunod naman siyan ang sa Anatolian Film Awards na naganap sa Turkey.
Ang pagkilala sa kanya ay para sa pelikulang “Fall Guy” mula sa direksyon ng batikang direktor na si Joel Lamangan.
Sa isang interview, sinabi ni Sean na hindi siya makapaniwala sa mga nakuhang parangal at sunod-sunod pa siya nabigyan ng award.
“Parang ang weird ng feeling kasi hindi ko naman ginawa yung pelikula para manalo ng award… Kung ano yung instructions sa akin ni Direk Joel habang nagsusyuting kami sinunod ko lang naman,” pahayag niya sa isang media interview.
Related chika:
Dolly De Leon nagetsing ang ‘Best Supporting Performance’ sa Los Angeles filmfest
Direk Mikhail Red ‘hoping’ na maging blockbuster ang kanyang pelikula na ‘Deleter’ sa MMFF filmfest
Pelikula nina Lav Diaz at John Lloyd Cruz winner sa India filmfest