Mon Confiado ilang araw hindi naligo sa shooting ng ‘Nanahimik Ang Gabi’; daliri ni Ian Veneracion muntik madurog
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Mon Confiado, Heaven Peralejo at Ian Veneracion
HINDI na kami magtataka kung manalo na naman ng mga award ang veteran character actor na si Mon Confiado para sa pelikulang “Nanahimik Ang Gabi (A Silent Night).”
Ang nasabing suspense-thriller film ang official entry ng Rein Entertainment para sa Metro Manila Film Festival 2022 na magsisimula na sa mismong Araw ng Pasko, December 25.
Napanood namin ang isa sa mga highlights ng “Nanahimik Ang Gabi” at talaga namang agaw-eksena na naman si Mon sa eksenang binugbog niya si Ian Veneracion at sa panggugulat niya kay Heaven Peralejo sa ilalim ng kama.
“Actually, isa ito talaga sa pinaka-best characters na aking nagawa. Noong sinabi ito ni Direk Shugo (Praico) sa akin, pagkabasa ko ng script at nalaman ko na yung character na gagawin ko, sobrang excited ako.
“So, nag-one-on-one meeting kami. Nilatag ko lahat ng puwedeng inputs ko. Of course, yung aking the usual na ginagawa, yung part ng aking preparation, yung method acting na tinatawag na ginagawa ko,” panimulang pagbabahagi ni Mon.
“Yung immersion ko, actually four days ako sa Baguio. Nag-stay sa bundok, and prior to that four days, mga 10 days ako sa Pangasinan.
“Kasi, ano yan, e. Part ng aking journey papunta doon sa mansion kung saan nandoon sina Ian at Heaven. Connected yun, kaya kinonek ko sa preparation ko,” paliwanag ng aktor
Nahirapan daw talaga nang bonggang-bongga si Mon na bumitaw sa role niya sa movie nang matapos na ang kanilang shooting.
“Medyo nahirapan ako, e. Kasi kung tawagin, de-roling. Yung de-role, ang hirap niyang (tanggalin), especially yung sa akin, kasi ang dami talagang layers nung pagkakasulat ng karakter. Tapos in-absorb ko talaga siya.
“Sabi ko nga, namundok ako. Ahh, pag napanood niyo ang pelikula, maiintindihan niyo yung pagka-mysterious, e.
“So, hirap na hirap ako. Parang matagal bago ko siya nabitawan. And physically, nag-suffer din yung aking look.
“Kasi nakita n’yo naman ang aking hitsura du’n sa pelikula. Maraming sacrifices. Sabi nga ni Direk, masyadong physical yung aming mga roles.
“Maraming beses kong nasaktan si Heaven. Maraming pasa. Si Ian, ganu’n din. Napakaraming physical na nasaktan ko siya,” chika ng aktor.
“May one time pa, muntik kong madurog yung daliri niya. Naapakan ko yan. Nakita niyo yung boots ko? Naapakan ko yan. Talagang pumilipit, e. So, mahirap talaga,” ani Mon.
Hirit naman ni Heaven habang tumatawa, “Saka hindi naligo si Kuya Mon nu’n! Ha-hahaha!”
“Naamoy mo ba?” ang tanong ni Mon kay Heaven.
Sey ni Mon totoong ilaw araw siyang hindi naligo habang nasa shooting pero nag-toothbrush naman daw siya.
“Actually, hindi ko inaalis yung costume ko the entire shoot. Kasi nasa Tagaytay kami, e.
“Pag-uwi namin du’n sa aming hotel, hindi ko na yun tinatanggal. Part ng aking method, nakakatulong siya sa akin as an actor. Ayoko siyang bitawan.
“Actually sila (Ian at Heaven), very sweet. Iba yung kanilang motivation sa set. Hindi ko sila masyadong pinagkakausap kapag nag-roll na.
“Before our take, yan, sabay-sabay kaming nagkukuwentuhan. Dinner. Pero once na…nandu’n lang ako sa kuwarto ko, sa stand-by area,” aniya pa.
Dugtong pa ni Mon, “Kakaiba talaga yung Nanahimik, e. Ah the usual films kasi kapag Christmas, di ba, family, drama, comedy, horror.
“Itong ‘Nanahimik’, bihira na magkaroon ang MMFF ng home invasion thriller. Malaki kasi yung ibinigay ng pandemic sa mga audience natin na parang na-educate sila.
“Kahit sa Netflix, yung mga suspense thriller, ang lalakas, e. So, naniniwala kami na magiging one of the Top 5 ang aming pelikula,” sabi pa ng aktor.