Dolly de Leon sa nakuhang nominasyon sa 80th Golden Globe Awards: Hindi ako sanay sa ganito, ang sarap!
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Dolly de Leon
TUWANG-TUWA at nagpiyesta ang buong movie industry nang mabalitang nominado ang Filipina actress na si Dolly de Leon sa pagka-best supporting actress sa 80th Golden Globe Awards.
Ito’y para sa nakakaloka at nakakabilib na performance niya sa international movie na “Triangle of Sadness”.
In fairness, napanood na namin ang nasabing pelikula na ini-release dito sa Pilipinas ng TBA Studios at talaga namang nang-agaw ng eksena si Dolly sa movie bilang major, major kontrabida.
De Leon has been an international sensation ever since her acclaimed performance in Ruben Ostlund’s dark comedy “Triangle of Sadness” which won the Cannes Filmfest Palme d’Or best film last May.
Halos lahat ng mga nakapanood ng “Triangle of Sadness” ay nagsabing hahakot ng award si Dolly dahil tumodo nga siya sa kanyang karakter as Abigail, ang Pinay cleaning lady na naging leader ng mga pasaherong naka-survive sa isang cruise ship.
Abot-langit ang pasasalamat ng aktres sa Hollywood Foreign Press Association para sa natanggap na nomination.
Bago nga ito, hinirang din siyang best supporting performer sa Los Angeles Film Critics Association (LAFCA) kaya naman talagang sobra ang kaligayahang kanyang nararamdaman.
Bukod sa kanyang pamilya, inialay din ni Dolly ang mga natanggap na parangal at pagkilala sa lahat ng mga kasamahan niya sa Philippine movie industry.
“Thank you for including me in that very short list of very talented supporting actresses,” ang pahayag ni Dolly sa pamamagitan ng isang video.
Aniya pa, “Hindi ako sanay sa nomination na ganito. Ang sarap! Sana mas marami pa sa atin ang makatanggap ng ganitong recognition because so many of us deserve it.”
Ang pagbibigay ng awards ng Golden Globes, na magaganap sa January, 2023, ay sinasabing “precursor of nominations” sa Oscar awards kung saan isa rin si Dolly sa mga top contenders sa best supporting actress category.
“Fleeting naman lahat ito. Mas na appreciate ko ‘yung mga hardship na pinagdaanan ko. Kasi hindi ko mararating ito kung wala yon,” aniya sa isa pang hiwalay na panayam.
Nauna rito, nabalitang lalaban din si Dolly sa best supporting actress category para naman da Satellite Awards of the International Press Academy.
Samantala, mapapanood din next year ang award-winning international Pinay actress sa upcoming Kapamilya series na “Dirty Linen” na pinagbibidahan nina Zanjoe Marudo, Janine Gutierrez, Francine Diaz, Seth Fedelin at marami pang iba.